MAHIRAP humingi ng tawad lalo na sa kasalanang hindi mo naman ginawa o tahasang kinasangkutan. Hindi ito basta nililimos para lamang maisalba ang nasirang relasyon ng magkabilang panig.

Sumasang-ayon ako sa pagtanggi ni Pangulong Aquino na magbigay ng public apology sa mga mamamayan ng Hong Kong alinsunod sa nangyaring hostage-taking sa isang bus sa may Quirino Grandstand tatlong taon na ang nakalilipas.

Hanggang ngayon, masasabing ito ay ang pinakamasalimuot na krimeng nangyari sa ilalim ng administrasyong Aquino ngunit hindi ito sapat na dahilan upang pasanin ang problemang ito ng buong Pilipinas. Ang boses ng Pangulo ay kumakatawan sa mga mamamayan ng Republika at ang paghingi niya ng paumanhin sa Hong Kong ay pagpapakitang habambuhay na pagluluksa ng mga Pilipino sa trahedyang ito.

Sa isang banda, ang naging trahedya ay desisyon at kagagawan lamang ng isang indibidwal at hindi naman plinanong punteryahin mismong patayin ang turistang mula sa Hong Kong. Puwede rin namang umakyat ang suspek sa ibang tourist buses o marahil kahit sa anumang mga pampublikong sasakyan sa Maynila.

Humingi rin naman noon ng pakikiramay ang Pangulo sa mga biktima at nakiisa sa pakikipagdalamhati ang mga Pilipino sa mga nasawi sa trahedya ngunit hindi raw ito sapat.

Kung hindi rin kayang tanggapin ng Hong Kong ang pormal na paghingi ng paumanhin ng administrasyon ng Maynila at tulong pinansyal na iniaalok nito para sa mga biktima ng trahedya ay para saan pa ang paggigiit na mula sa Pangulo?

Kapag ba may minamaltrato o bigla na lamang bang may namamatay na Pilipino sa kanila na kitang-kita naman puno ng mga sugat ang katawan nito katulad ng nangyari sa isang domestic helper sa Hong Kong noong Marso ng nakaraang taon, pinipilit ba ng Pilipinas na maglabas ang Hong Kong ng public apology?

READ
Medicine lobby gets facelift

Sa kabilang banda, mas mahirap kung hindi ka gumagawa ng aksiyon upang patunayan na wala ka nga talagang sala.

Kaya rin napupuna ang Pangulo tungkol sa isyu na ito ay dahil hindi niya tiningnan o subukang tuldukan ang sanhi ng mga ganitong uri ng krimen. Hindi natatapos ang lahat sa pagsasaalang-alang sa pagsagip ng dignidad ng bansa (o marahil sa pagsagip na rin ng kaniyang dignidad), kailangan ding bigyan ito ng solusyon upang maiwasang mangyari muli.

Siguro kung nagagawa ng administrasyon ang pangako nitong magbigay ng trabaho o negosyo para sa Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, hindi na kailangan pang matakot ng mga opisyal ng administrasyon na maapektuhan ang ekonomiya ng bansa sa ginagawang “parusa” ngayon ng Hong Kong sa atin. Maraming domestic helpers sa Hong Kong na matagal nang hindi nakauuwi ang babalik at maninirahan na rito. Sa wakas, hindi na nila kailangan magtago sa mga amo nilang tumatawag sa mga pamilya nila rito sa bansa.

Ngunit hindi, dahil mas pipiliin ng mga gobyernong bigyang pansin ang mga dayuhang negosyanteng magtayo ng kumpanya rito na kahit ang mga lokal na negosyante ay hindi makasingit. Ang mga Pilipinnong kayod-kabayo sa Hong Kong ay mananatiling natatakot nabaka kahit ang working visas nila ay ikansela rin.

Kung natutukan lamang nang maayos ang ilan sa mga problemang ito ay sana hindi na kailangang kalkulahin pa ng Pilipinas ang mawawalang mga turista galing Hong Kong, marami ang uuwi at pipiliing manatili sa bansa, at higit sa lahat, hindi na kailangang piliin ang pagpatay magkaroon lamang ng trabaho.

READ
Q-film entry is best student short film in Catholic Mass Media Awards

Mahirap magbigay ng tawad lalo na kung hindi mo rin naman alam kung tatanggapin ito ng bukal sa kalooban ngunit mas matindi kung wala ka rin namang gagawin upang ipakita na wala ka talagang kasalanan at hindi ka nagkulang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.