Nais kitang ipinta
sa talukap ng aking mga mata
nang kahit sa pagpikit
ang hugis, kutis,
wangis mo
ang paulit-ulit na tumatakip
sa aking isip.
Ilalatag ko ang iyong alaala
sa papel
na iiwasang mamarkahan
ng kamay ng iba,
dahil sa alaalang ito nakapahid
ang bawat detalyeng
gusto kong makopya—
bawat hamog ng hininga,
guhit sa palad,
diin ng mga labi,
tuldok ng pawis
sa anit at balat,
bawat kulay,
himulmol ng daigdig
na sumasabit
sa iyong balikat.
Paulit-ulit kong tatasahan
ang talas ng iyong titig,
nang mapuwing man ako
o mapaluha,
imahen mo’y di mapapawi,
o tuluyang mabubura.
Sana,
pumayag kang magpapinta.