SABI NILA, ang pagmamahal ay isang desisyong kailangan panindigan. Hindi ito basta na lamang bibitawan o tatalikuran kung ayaw mo na o sa tingin mo wala nang patutunguhan ang lahat. Kaya nga naman sa mga sinusuyo, mag-isip muna bago ibigay ang matamis niyong “oo,” kung hindi ay baka pagsisihan ito sa huli.

Gaya na lamang ngayon sa Unibersidad na kasalukuyang nakikiisa sa panahon ng panunuyo. Ngunit hindi ito tungkol sa mga nagpapakipot o naghahanap lamang ng panandaliang makakasama; tungkol ito sa mga Tomasinong sinasabing mahal nila ang Unibersidad at bilang pasasalamat ay nais nila itong pagsilbihan at maging mabuting halimbawa sa kapuwa nila mag-aaral. Maaari ring tawagin ang panahong ito na “mga pangakong nakatakdang masira” o kaya naman “mga taong sa umpisa lamang magaling.”

Mayroong tatlong paraan ang mga kumakandidato upang mapukaw ang puso ng isang estudyante: Ang una ay pakikiligin ka, ang ikalawa ay ipaglalaban ka at ang panghuli naman ay ang paninindigan ka sa kabila man ng baha at iba pang kontrobersiya.

Aminin natin na ang unang paraan ng panliligaw ay masarap sa pakiramdam. Nakatutuwa na may humahabol-habol sa iyo para lamang makuha ang iyong atensiyon. Nariyan ang mga Tomasinong tumatakbo sa posisyon na hihintayin ka sa lobby ng pinapasukan mong gusali mula umaga hanggang gabi. Pipilitan kang hawakan ang pawisin nilang mga kamay at ipagsisigawan sa’yo ang kanilang mga pangalan. Ilalapit nila ang kanilang mga mukha at yayakapin ka na tila ba matagal na kayong magkakilala. Pagpapasensiyahan ka nila kung susungitan mo man sila.

Hindi mo alam kung iiwas ka o hahayaan silang kausapin ka. Ay mali, wala ka palang pagpipilian dahil haharangin ka nila at hindi tatantanan hangga’t hindi mo sila kakamayan o tatanggapin ang ipinamimigay nilang mga papel na naglalaman ng kanilang mga platapormang hindi mo alam kung pinag-isipan nga ba talaga nila. Karaniwan, ang mga nakalagay na plano nila ay katulad din naman ng dati, binago lamang ang pangalan at pinabango.

READ
Function, fashion, and fun at your fingertips

Madalas, maraming napapaikot na Tomasino sa paraang pagpapakilig ng mga nangangandidato. Ang labanang ito ay sukatan ng hitsura o minsan kayamanan ng mga tumatakbo para sa posisyon at hindi tungkol sa kaya nilang gawin. Karamihan kasi ng mga tumatakbo at ng ibang estudyante ay magkatulad ang beauty contest at halalan ng Unibersidad. Ang totoo, sakit din ito ng ating bansa. Kaya nga naman ngayon, maraming makapangyarihan na hindi marunong gumawa ng batas at iba pang panukala na kailangan at makatutulong sa taumbayan.

Dito nasusulat ang determinasyon at tapang ng mga estudyanteng tumatakbo para sa posisyon sa opisina. Kalahati rito ay sumasablay dahil sabi nila masyadong kritikal ang kanilang kapuwa Tomasino at nagbibigay ng mahihirap na mga tanong. Ngunit hindi naman talaga ito batay sa mga ibinabatong mga tanong, talagang makikita lamang dito kung gaano kababaw ang plano ng isang kandidato para sa gusto niyang pagsilbihan. Tandaan na pagkaluklok sa kapangyarihan ay hindi isang karangalan para sa sarili kung hindi isang dedikasyon para gawin ang makabubuti sa Unibersidad.

Ang ikatlong paraan, ang paninindigan ng mga mahahalal na mga estudyante sa posisyon, ay ang pinakamahirap na panghawakan sa lahat. Dito makikita ang totoong kulay ng mga ibiniboto na una lamang kinilatis base sa kung sino sila at sa mga sinabi nila. Marami ang pumapalya sa paraan nito dahil kadalasan ang mga pangako ay parang nagiging usok na sumasama na lamang sa pagkumpas ng hangin. Dito rin makikita kung talagang pinakikinggan ng mga naluklok sa posisyon kung pinakikinggan nga ba nila ang mga hinaing ng kanilang mga kinakatawan.

READ
Let's contracept Congress clowns

Sa apat na taon kong pag-aaral sa Unibersidad, napansin kong may mga estudyanteng nahahalal sa posisyon na daig pa ang mga pulitiko sa bansa sa hindi pagpansin sa mga pangangailangan ng mga ordinaryong Tomasino. Ginagamit lamang nila ang opisina bilang huntahan, taguan ng mga gamit at mas malala, hindi man lang binibisita ang ipinagkaloob na opisina.

Sinasabi nila na mas madaling gampanan ang responsibilidad na nais akuin kung maluluklok sa posisyon. Kaya lamang, sana ilagay sa mga puso ng mga tumatakbong estudyante sa opisina at ganoong na rin sa iba pang mag-aaral na kung talagang mahal nila ang Unibersidad ay pagsisilbihan nila ito, nasa posisyon man o wala.

Ang pagmamahal sa Unibersidad ay hindi lamang basta kilig dahil ito ay panandalian lamang. Ito ay dapat at totoo at hindi sumasablay. Ang pagiging nasa posisyon ay dapat gamitin upang isulong ang pangalan ng Unibersidad na nagkanlong sa atin at patuloy tayong inihahanda sa totoong mundo. At para sinusuyo, hindi ka dapat basta bumibigay sa mga pangako. Ang pag-ibig ay dapat malaya kaya matutong magdesisyon ng tama para sa ikabubuti ng lahat. Kilalanin ang mga pipiliin. Makiisa sa halalan ng Unibersidad at iboto ang mga estudyanteng nararapat mailagay sa puwesto.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.