NOONG panahon ng pananakop ng mga Kastila sa bansa, tanging mga mag-aaral na may katibayan ng limpieza de sangre o purity of blood ang tinatanggap sa UST.

Naglabas ng kautusan ang Espanya noong 1619 na ang mga purong Kastila lamang ang maaaring makapag-aral sa mga kolehiyo sa Pilipinas, bagkus kinakailangang ipakita ng mag-aaral ang katibayan patunay nito.

Tinutukoy din ng kautusan na dapat Katoliko lamang ang makakapasok sa Unibersidad. Kaya ang mga Hudyo, Muslim at heretiko ay hindi tatanggapin.

Hindi naglaon, pinayagan ng Unibersidad na makapasok ang mga mestizo ngunit tanging “bachelor’s degree” lamang ang maaari nilang kunin.

Noong 1772, dalawang Tsinong mestizo ang naghain ng reklamo hinggil sa pagbabawal sa mga mestizo na makakuha ng “Licentiate in Arts,” na siyang pinanigan ng Royal Audiencia sa ibinabang desisyon taong 1776.

Makalipas ang limang taon, nagpadala ng kautusan ang hari ng Espanya na baguhin na ang naunang kautusan upang hindi na muling magdulot ng kontrobersiya sa Unibersidad.

Gayunpaman, nagkaroon ng muling hindi pagkakaintindihan noong 1785 na muling kinasangkutan ng dalawang Tsinong mestizo na nagnanais ding makakuha ng Licentiate in Philosophy mula sa Unibersidad.

Upang maiwasan na ang kaguluhan, napagdesisyunan ng Unibersidad na pahintulutang makakuha ng Licentiate degree ang mga mestizo kapalit ng kanilang panunumpa ng katapatan sa Espanya.

Noong ika-18 na siglo, hindi na naging mahigpit ang pagpapatupad ng limpieza de sangre kung kaya nagkaroon na ng mga mag-aaral na mayroong iba’t ibang lahi tulad ng Hapon, Tsino at iba pang mga Asyano sa Unibersidad.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nangunguna sa larangan ng medisina at kalusugan sa bansa?

READ
Archi axes one-third of sophomores

Si Carmencita Reodica, nagtapos ng Medisina sa Unibersidad noong 1962, ay ang kaunaunahang babaeng kalihim ng Department of Health (DOH) matapos iluklok ni Pangulong Fidel Ramos taong 1996.

Hindi naging hadlang kay Reodica ang kaniyang espesiyalisasyon bilang obstetrician sa pagsusulong ng iba’t ibang adhikain na may kinalaman sa kalusugan.

Noong 1992, naging tagapangulo rin si Reodica ng Task Force on Child Survival, Development and Protection at miyembro ng AdHoc Committee on Development of Midwifery Law.

Noong 1995, hinirang siyang tagapangulo ng National Commission on the Role of Filipino Women. Pinangunahan din niya ang mga proyekto ng DOH hinggil sa Women’s Health and Safe Motherhood, Family Planning and Maternal Health Project at Family Planning and Reproductive Health Project.

Dahil sa kaniyang dedikasyon, si Reodica ay nakatanggap ng mga parangal tulad ng Lingkod Bayan at Governor Isidro Rodriguez Memorial Award noong 1995. Bukod pa rito, nagkamit din siya ng mga parangal mula sa Manila Health Department, Public Health Dentists’ Association at Knights of Columbus.

Tomasalitaan

Lamyak (PNG)—bagay na dumarating nang higit na mabuti sa inaasahan

Hal.: Naniniwala si Angeli na ang mga mumunting lamyak sa kaniyang buhay ang tunay na nakapagpapaligaya sa kaniya.

Mga Sanggunian

Dr. Carmencita Reodica. Nakuha mula sa http://www.doh.gov.ph/node/1284.html

Financing Family Planning Programs. Nakuha mula sa http://erc.msh.org/

Villaroel, Fidel (2012). A History of the University of Santo Tomas: Four centuries of higher education in the Philippines, 1611-2011 (Vol. I) Manila: UST Publishing House.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.