MAY MGA yugto sa buhay natin na dapat dumaan sa isang rituwal—isang proseso ng pagdiriwang para sa isang matamis na pagtatapos at paghahanda para sa isang magandang simula.
Naniniwala ako na hanggang sa panahong ito, epektibo pa rin ang pagsasagawa ng isang rituwal dahil tanda ito ng mahahalagang bahagi ng ating buhay. Ngunit paano nga ba isinasagawa ang seremonya ng pamamaalam bilang isang Tomasino? Ano nga ba ang dapat gawin para markahan ang mga nalalabing araw ng pagiging buhay estudyante?
Nagsisimula ang ilan sa pagtatapon ng kanilang tone-toneladang hand-outs na puno ng highlights o pagbebenta ng makakapal na libro na hanggang sa pabalat lamang nabubuklat. Laman ng bawat pahina ang mga aral na noon ay akala mo walang kabuluhan at ngayon nagsisisi ka bakit ka nakinig. Ang alaala na tatlong oras ka nang nakatayo sa klase kasi hindi mo alam ang sagot. Kapag may pagsusulit naman, umaasa ka na lamang sa katabi o sa text niya. Kaya lamang minsan, kahit sinisipag kang basahin ang mga ito ay tres o singko pa rin ang makukuha mong marka.
Mayroon ding nagpapapirma sa kanilang uniporme na minsan lamang sa isang taon kung suotin. Ayos din sa kanila na mapuno ng kung anu-ano ang damit nila kasi lagi lamang silang napagkakamalan na kung hindi elementary ay ahente ng life insurance, katrabaho ni Manong Guard o kaya kabilang sa samahan ng mga konduktor ng Pilipinas. Ngunit ang damit na ito, tulad ng ibang alaalang nabuo sa kanilang buhay kolehiyo, ay mahalaga dahil nakayanan nitong lagpasan ang baha sa Unibersidad at ang usok at panghahablot ng mga komyuter na kasamang nakikibaka sa paghahanap ng masasakyan tuwing rush hour. Ang uniporme na may bahid pa ng amoy mula sa mahigpit na pagkakayakap ng taong hindi mo maaming gusto mo at ang mga luha ng mga taong nakilala at nagpasaya sa iyo sa Unibersidad.
Para sa mga probinsyanang tulad ko, kabilang sa ritwal ang pagkilala sa Maynila. Hindi dapat palagpasin ang pagtambay sa ikatlong palapag ng Isetann-Recto; ang pagpapahula at pagbili ng mga anting-anting sa Quiapo; ang pagbili ng mga libro sa tindahan ni “Kuya Underpass” (sa Lagusnilad) at pagkutkot ng mga lumot sa mga pader ng Intramuros; ang pagsisimba sa Santa Cruz at paglalakad sa kahabaan ng Escolta; ang pagbisita sa mga tindahan ng Binondo at paglulustay ng ilasng buwang pinag-ipunang pera sa Divisoria. Kahit kailan hindi kayang maipaliwanag sa iilan lamang salita ang gulo ng metropolis ngunit kailanman hindi rin maikakaila ang nananatiling kariktan at misteryo ng siyudad.
Ngunit sa nakararami, pumaiikot ang seremonya sa paggugol ng kanilang nalalabing araw bilang estudyante sa mga taong nagbigay-kulay sa apat o higit pang mga taong pamamalagi nila sa Unibersidad. Sabi nila, sa hayskul mo makikita ang mga totoo mong kaibigan. Pero para sa akin, sa kolehiyo matatagpuan ang mga taong makakasama mo sa iyong mga tagumpay at sa mga panahong kailangan mo ng kaagapay. Sa UST, nakilala ko ang mga taong tinulungan akong bumangon at tinanggap ang aking mga pagkukulang. Sila ang naging kasangga ko sa mga kalokohan at karamay sa mga malulungkot na bahagi ng buhay ko.
Hindi maiwawaglit sa ritwal ang pagkakaroon ng “bucket list.” Nariyan ang pagkain sa ibang kainan basta hindi McDo, Jollibee, Big Martha’s o Sisig Express. Ang pagwewelga na buksan muli ang Almer’s. Ang paghiga sa field at pagkuwentuhan ang anumang nalilimutang pag-usapan habang nagkaklase. Ang mag-picnic sa Lovers’ Lane. Ang mag-“selfie with friends” sa bawat sulok ng Unibersidad at maligo sa fountain.
Ngunit hindi pahuhuli sa listahan ang paggunita ng mga hindi malilimutang karanasan sa iba’t ibang lugar sa pamantasan: Ang Main Building, na lilinawin ko ay hindi kailanman naging simbahan; ang Plaza Mayor at Rosarium, ang nagsisilbing tagpuan ng iba’t ibang organisasyon; ang QPark, ang lugar ng mga dance troupes sa UST; ang para bang labyrinth na Main Library; ang Botanical Garden, lugar ng mga hindi umaaming magsing-irog; ang usok ng Dapitan, ang mga kapihan sa Noval, ang mga underrated na kariderya sa Lacson at ang hindi umuusad na trapiko sa Espanya.
Walang dapat palampasin na sulok, tawanan, iyakan at mga alaala sa ritwal. Ang lahat ng ito ay magagamit upang makatawid sa panibagong yugto ng ating buhay.
Ngunit hindi katulad ng ibang seremonya, ang ritwal ng pamamaalam bilang isang Tomasino ay hindi natatapos. Isa itong siklong lagi nating aalalahanin at ipagdiriwang. Patuloy pa rin tayong makikitalon sa Paskuhan, Velada at fireworks ng UST. Bibisitahin pa rin natin ito lalo na kapag bukas na naman ang mga kumukutitap na mga ilaw tuwing bisperas ng Pasko. Dudumugin pa rin natin ang mga pa-concert ng Unibersidad. Makikisigaw pa rin tayo ng “Go USTe” kapag naglalaro na ang mga Tomasinong atleta sa UAAP at sa iba pang liga. Ipagyayabang pa rin natin na mahalaga ang ating paaralan sa kasayasayan ng Pilipinas.
Lumabas man tayo ng Arch of the Centuries, hindi roon matatapos ang ating pagkakakilanlan bilang mga mag-aaral ng Unibersidad.
Bumaha man o umaraw at hamakin man tayo ng ibang paaralan, taas-noo pa rin nating ipagmamalaki na kabilang tayo sa ritwal ng pagiging isang ganap na Tomasino. Magpatuloy man tayo sa bagong kabanata ng ating mga buhay, mananatili pa rin sa puso’t isipan natin ang pamantasang nagbigay sa atin ng pagkakataong makilala ang ating mga sarili at ang mga taong pahahalagahan natin habambuhay.