LAYUNIN ng Unibersidad na pangalagaan ang kapakanan ng bawat Tomasino upang siguruhin ang lubos na kalinangan ng kanilang isipan at kakayahan.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa Unibersidad at mga mag-aaral ang pagtupad sa layuning ito sa pagaanunsiyo ng polo y servicios sa bansa noong panahon ng pananakop ng Espanya.
Ayon sa batas ng polo y servicios, sapilitang mabibilang sa mga manggagawa ng mga kalsada, tulay, pagtatayo ng mga estruktura tulad ng simbahan, paaralan at gusaling pampamahalaan ang mga kalalakihang Pilipino at Tsino na nasa edad 16 hanggang 40 taong gulang bilang paghahandog sa hari ng Espanya at Simbahang Katoliko.
Nagdulot ito ng suliranin sa mga mag-aaral na pagsabayin ang bigat ng gawain at responsibilidad sa pag-aaral kaya naman nagbigay ng eksensiyon ang pamahalaan sa mga mag-aaral upang hindi maging sagabal sa kanilang pag-aaral ang sapilitang paggawa.
Subalit noong 1730, binawi ng pamahalaan ang iginawad na eksensiyon para sa mga mag-aaral na naging sanhi ng pagdedesisyon ng Unibersidad na gumawa ng mga hakbangin upang tutulan ang panibagong kautusan.
Taong 1739, nang magpalabas ng panibagong anunsiyo ang pamahalaan na tanging mga mag-aaral lamang at yaong mga nakapagtapos sa Unibersidad ang hindi kasama sa tributo.
Sa kasamaang palad, muling umusbong ang suliranin noong 1778 nang nagpumilit ang mga cabeza de barangay ng mga pueblo ng Tondo at Tambobon na sapilitang pagawain ang mga mag-aaral dahil kabilang ang mga pangalan nila sa listahan ng mga magbabayad ng buwis.
Higit na naging masalimuot ang pagpapatupad ng polo y servicios kaya naman maraming Tomasino ang umayaw rito kabilang na si Obispo Domingo Collantes, O. P. na nakipag-usap sa mga Agustino na huwag isama ang mga Tomasino sa paggawa.
Hindi pumanig ang mga Agustino kay Collantes kaya nagpadala siya ng sulat noong 1780 sa Gobernado-Heneral at iginiit niya na ang mga mahistrado ng Tondo, alkade ng mga bayan ng lalawigan ng Pampanga at Bulacan at pati na ang punong mahistrado ng Cavite ay dapat sumunod sa eksensiyon ng mga mag-aaral sa sapilitang pagtatrabaho.
Dahil sa patuloy na paglaki ng suliranin sa polo y servicios, naisipan ni Rektor Diego Saenz na sumangguni sa Piskal Heneral at sa Abogado Heneral kung dapat bang sundin ang mungkahi ni Collantes na eksensiyon para sa mga mag-aaral na Tomasino.
Hindi nagtagal,umabot ang suliranin kay Gobernador-Heneral Basco na pumayag sa kahilingan ng Rektor na iparating ang suliranin sa hari ng Espanya.
Sa kabutihang palad, nagbunga ng maganda ang paghihirap ni Obispo Collantes sa pagsulong ng eksensiyon ng mga mag-aaral.
Noong 1785, nagpadala si haring Charles III ng sedula kay Gobernador-Heneral Basco ng Pilipinas na nag-uutos na ang bawat mag-aaral na Tomasino ay hindi saklaw sa polo y servicios upang hindi mahinto o maabala ang kanilang pag-aaral.
Tomasino Siya
Alam niyo ba na isang Tomasino ang kilala sa pagaanalisa ng mga mahahalagang datos mula sa mga misyong pangkalawakan?
Si Benjamin Saldua, nagtapos ng kursong BS Civil/Structural Engineering noong 1969 sa Unibersidad, ay isa sa mga pinaka-iginagalang at hinahangaan sa napiling larangan hindi lamang sa bansa kung hindi pati na rin sa buong mundo.
Sa angking husay, agad na napabilang si Saldua sa Erectors Company na nagbigay daan upang makasama siya sa malaking proyekto na pagpapatayo ng Bangko Sentral ng Pilipinas Complex.
Matapos ang proyekto, lumipad patungong Estados Unidos si Saldua upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa California State Polytechnic University-Pomona kung saan siya nagtapos ng Master of Engineering in Structural Engineering.
Taong 1981 ng palarin si Saldua na mapabilang sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) upang patuloy na magbahagi ng kaniyang kaalaman.
Sa kaniyang tagumpay, ginawaran si Saldua ng pinakamataas na pagkilala para sa mga natatanging alumni ng Unibersidad tulad ng Centennial Award for Engineering Research ng Faculty of Engineering noong 2007 at Totus Tuus Award for Engineering Practice ng Education High School noong 2009.
Sa kasalukuyan, si Saldua ang Prinicipal Antenna Structural Engineer sa Jet Propulsion Laboratory ng NASA kung saan niya binuo ang sariling kinlanlan sa pamamagitan ng paggawa ng Single point of contact o ang paraan sa pagpapanatili ng maayos na pagpapadala ng mga datos sa misyong pangkalawakan pabalik sa mga istasyon ng NASA para sa lahat ng geotechnical at structural engineering issues na nasa mga parabolic dish antennas na matatagpuan sa Deep Space Network sa mga bansang Estados Unidos, Espanya at Australia.
Sa kabila ng mga karangalan, hindi nakakalimot si Saldua sa kaniyang pinanggalingan sa pamamagitan ng kaniyang pagiging dedikado at aktibong miyembro ng mga Thomasian alumni association sa Amerika skung saan siya patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga grupong nagtataguyod ng mga scholarship at endowment funds para sa mga mag-aaral na kapos palad.
Tomasalitaan
Tikatik (PNR)— ulan na mahina ngunit tuluy-tuloy
Hal.: Umaasa si Chloe na mag-aanunsiyo ng walang pasok dahil sa tikatik na ulan.
Mga Sanggunian:
Villarroel, Fidel (2012). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries Of Higher Education In The Philippines, 1611-2011 (Vol. I) Manila: UST Publishing House.
Agoncillo, Teodoro (1990). A History of the Filipino People, Quezon City: GAROTECH Publishing.
2014. TOTAL Awards 2014 Souvenir Program.
Benjamin P. Saldua. Nakuha mula sa http://www.linkedin.com/pub/benjamin-p-saldua-p-e/52/734/324