SIMULA ngayong semestre, hindi lamang mga Tomasinong nasa mababa at mataas na paaralan ang magbibigay-pugay sa ating watawat matapos lumabas ang circular mula sa Office of the Secretary General na naglalayong magkaroon ng flag-raising ceremony tuwing Lunes ng umaga.
Gaganapin sa Arch of the Centuries, pangungunahan ng bawat kolehiyo ang programa na binubuo ng Quadricentennial prayer, pag-awit ng Lupang Hinirang, Panatang Makabayan, at University hymn.
Marami ang nagtataka kung bakit ngayon lamang ito ipinatupad sa Unibersidad. Sa Unibersidad ng Pilipinas, ang flag-raising ceremony ay ginagawa tuwing Lunes ng umaga para sa mga mag-aaral sa kolehiyo, samantalang sa Ateneo de Manila University naman ay araw-araw itong ginagawa.
Ayon kay Secretary General P. Florentino Bolo, O.P., ang lingguhang flag-raising ceremony ay matagal nang programa ng Unibersidad, ngunit ang pagpapatupad nito ay ngayon lamang naibalik.
“Isa itong ideya na matagal nang [naisip] pero ako lang ang nagpatupad. Alam ko noon pa ay mayroon na nito (flag-raising ceremony),” ani Bolo.
Aniya, ang lingguhang flag- raising ceremony ay may layuning mapaigting ang damdaming nasyonalismo ng mga Tomasino.
“Hindi naman ibig sabihin na walang nasyonalismo tayong mga Tomasino. [Ito ay upang] maitaguyod nang higit pa ang nasyonalismo ng mga Tomasino. Kung titingnan mo naman tayo [mga Filipino], kay Pacquiao pa lang ay makikita mo ang pagsuporta natin (mga Filipino),” aniya.
Ayon kay Bolo, ang flag- raising ceremony ay ginawang lingguhan upang hindi mabigla ang mga mag-aaral sa kolehiyo.
“Ang lingguhang [flag-raising ceremony] ay susubukan muna upang hindi maging biglaan [para sa mga mag-aaral]. Kung umarangkada ito, muli itong titingnan kung paano ito tinanggap ng Unibersidad at kung maayos naman ay bakit hindi gagawing araw-araw?” ani Bolo.
“I will look at it in a more holistic way. Hindi mo ito puwedeng ituro sa isang [aspekto], marami talaga. Culturally, there is so much globalization happening and it also affects the way we see things around us,” dagdag pa ni Bolo.
“Kapag tinanggap natin iyong mga [ideyang] panlabas, tunay na maapektuhan tayo. [Dahil may] negatibo itong epekto sa atin, ang ating layunin ay pagtibayin at muling makita ang kagandahan ng ating bansa.”
Nasyonalismo ngayon
Ang pag-awit ng Lupang Hinirang at pagbigkas ng Panatang Makabayan ay isang aspeto ng pagiging makabayan na kadalasa’y nakaliligtaan ng maraming Filipino.
Ayon kay Imelda de Castro, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, ang lingguhang flag ceremony ay hindi na bago sa Unibersidad dahil noong pang 1970’s ay ginagawa na ito ng bawat kolehiyo.
“Noon ay may kaukulang batas na nagtatalaga na hindi lamang sa mga tanggapan ng pamahalaan isasagawa ang flag ceremony. Ang lahat ng opisina sa pamantasan ay mayroon nito (flag ceremony), hindi lamang sa mababa at mataas na paaralan,” aniya.
Sa obserbasyon ni De Castro, ang mga Filipino ngayon ay mayroong kapabayaan o moral laxity kaya’t makatutulong ang mga gawaing tulad ng lingguhang flag ceremony upang maiangat ang kamalayan ng mga ito sa mga pangyayari sa lipunan.
“Kung hindi ipanunukala ang pagkaroroon ng flag ceremony, hindi ito gagawin ng mga Filipino. Ang tunay na sensiridad ng pagpupugay o pagpahahalaga ay wala naman talaga [sa mga Filipino]. Ang layunin natin ngayon ay ang maiangat ang kamalayang panlipunan,” aniya.
Ayon kay Augusto de Viana, tagapangulo ng Department of History sa UST, ang flag-raising ceremony ay ginagawa upang bigyang-diin ang pagka-Filipino ng isang tao.
“You begin your day with a flag-raising to emphasize your being a Filipino, being a citizen of this country. As an educational institution, it is mandated to teach the duties of citizenship and patriotic values,“ ani De Viana.
Dagdag pa niya, higit na mainam kung may isang resource person bawat linggo na tatalakay sa buhay ng isang Filipino o ‘di kaya’y isang makasaysayang pangyayari sa bansa o sa Unibersidad upang madagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Ayon pa sa kaniya, maraming mga Filipino ang binabalewala ang kanilang pagkamamamayan dahil sa pagnanais na maghanapbuhay sa ibang bansa.
“This is [an] opinion. They (Filipinos) take their citizenship for granted. After they graduate, they try to go to other countries and become citizens, not knowing they would turn out to be second-hand citizens there. And in the end, they keep crawling back to the Philippines and retire here. We should remember that [Apolinario] Mabini said that you should love your country because it is the only paradise God has given you,” ani De Viana.
Para sa kaniya, ang flag ceremony ay dapat gawing kusa ng mga mag-aaral dahil nagpakikita ito ng pagiging ganap na mamamayan ng bansa.
“Dapat maging bahagi siya ng ritwal, ibig sabihin dapat involuntary [ang paglahok sa flag ceremony]. Ginagawa ito ng mga mag-aaral sa mababa at mataas na paaralan tapos mawawala rin [pagdating niya ng kolehiyo]. Remember, this is the last stop until you become a citizen of the country. This is the last chance that you have to form yourself in order to become a proper citizen,“ aniya.
Dagdag pa niya, ang unang hakbang upang maging makabayan ay punahin ang sarili bago tumingin sa iba.
“Ang pinakamainam na gawin ay tingnan mo muna ang sarili mo, whether you’re doing your duties as a citizen or look at what our founding fathers had said and see whether we are following that blueprint towards nationhood,“ ani De Viana.
Ayon kay Fernando Pedrosa, tagapangulo ng Department of Social Sciences, ang pagkamakabayan ay madalas binabalewala ng maraming Filipino dahil sa iba’t ibang bagay na mas pinagtutuunang pansin ng mga ito.
“They (Filipinos) take it for granted (flag-raising ceremony). As time goes by, we tend to forget the basics. As you go higher, we tend to forget those basic things because we go into specialization,“ ani Pedrosa.
Aniya, ang pagbabalik ng flag-raising ceremony sa Unibersidad ay isang hakbang upang masuring muli ng mga Filipino ang kanilang nasyonalismo.
“Kaya nga ibinabalik ito (flag- raising ceremony) ay upang masuri nating muli ang ating mga sarili—ang ating pagkamakabayan, na kadalasa’y naipagwawalang-bahala natin,“ aniya.
Para sa kaniya, ang moral laxity ng mga Filipino ngayon ay dulot ng impluwensya ng media, na may malaking tungkuling ginagampanan sa paghuhulma ng mga Filipino.
“There is such [a] thing as global influence ng media [which is happening] not only in the Philippines but [throughout the world as well.] There is a big conflict between industrial mentality and cultural identity. The industrial mentality is represented by the highly-industrialized countries while the cultural identity is represented by the developing countries like the Philippines,“ ani Pedrosa.
Dagdag pa niya, isang dahilan ang korapsyon kung kaya’t maraming mga Filipino ang nagiging hindi makabayan.
“Corruption is another reason. If they are nationalistic, they would forget about their personal interests,“ ani Pedrosa.
Flag-raising ceremony sa kolehiyo
Ang AMV-College of Accountancy ay ang unang kolehiyo na nanguna sa flag-raising ceremony na ginanap noong Nobyembre 15, kasama ang mababa at mataas na paaralan ng Unibersidad.
Ayon kay Jernold Vergara, pangulo ng AMV-College of Accountancy student council, sa kaniyang apat na taon dito sa Unibersidad, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niya ang maging bahagi ng flag ceremony.
“Madalas kasi itong gawin noong high school, kaya parang nagbabalik-tanaw na rin ako. Ngunit ngayon, hindi ko na masyadong kabisado ang Panatang Makabayan, pati iyong iba napansin ko, hindi na rin masyadong makasabay,” ani Vergara.
Para kay Vergara, ang hakbang na ito ng Unibersidad ay isang magandang simula upang buhayin ang nasyonalismo ng mga Tomasino.
“Isang paraan upang maipakita ang nasyonalismo ng mga Tomasino ay ang kaalaman sa mga pangunahing bagay ng pagka-Filipino tulad ng pag-awit ng Lupang Hinirang at panunumpa sa watawat. Madalas kasi kapag may random interviews sa kolehiyo, halos lahat ay nakalimutan na ang Lupang Hinirang,” aniya.
Bagaman pang-high school sa mata ng ibang mag-aaral, para kay Vergara ay magandang natatandaan pa rin ng mga mag-aaral ang liriko ng Lupang Hinirang at ang mga kataga sa Panatang Makabayan.
“Kung may isang bagay na dapat hindi mo makalimutan sa buong buhay mo, iyon [Lupang Hinirang at Panatang Makabayan] na ang mga iyon,” ani Vergara.
Sa sampung mga mag-aaral na nakapanayam ng Varsitarian, siyam sa mga ito ang hindi na saulado ang Panatang Makabayan. Ang unang rason ng mga ito ay dahil hindi na ito ginagawa ngayong kolehiyo.
“Noong high school, tuwing binibigkas ang Panatang Makabayan, hindi ako sumasabay. Ngayong nasa kolehiyo na ako, hindi na ito (flag-raising ceremony) ginagawa. Siguro piling linya na lang [ang alam ko],” ani Mumtazah Umal, 19, ng Faculty of Arts and Letters.
Ayon kay Shanine Sia, 17, ng College of Rehabilitation Sciences, hindi na raw niya ito matandaan dahil wala ng flag-raising ceremony sa kolehiyo.
Ngunit para kay Katrina Sison, 18, ng Faculty of Arts and Letters, naalala pa niya ito dahil mula pa noong siya ay nasa high school, ito ay nakasanayan na nila araw-araw.
“Saulado ko pa ito dahil nga noong high school, araw-araw itong ginagawa,” ani Sison. Patricia Isabela B. Evangelista