19 Agosto 2014, 2:01 p.m. – IBINASURA ng Korte Suprema ang petisyon ng UST Faculty Union (USTFU) na makuha ang halagang P26 milyon na kakulangan diumano sa hospitalization at medical benefits ng mga propesor mula 1997 hanggang 2003.

Pumanig ang mga mahistrado sa posisyon ng Unibersidad na taunan at one-time lamang ang hulog nito sa pondo para hospital at medical benefits ayon sa kasunduan para sa mga taong 1996 to 2001, at hindi “cumulative. ”

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Carpio noong ika-30 ng Hulyo, idineklara ng korte na walang “carry-over provisions” para sa hospitalization at medical benefits fund ang 1996-2001 Collective Bargaining Agreement (CBA) at 1999 Memorandum of Agreement ng USTFU at UST.

Ang carry-over provision para sa nasabing pondo ay matatagpuan lamang sa 2001-2006 at 2006-2011 na CBA.

Tumindi ang isyu ng hindi pagkakaunawan sa pagitan ng unyon at ng Unibersidad nang maghain ng kaso sa labor arbiter ang USTFU noong 2007 ukol sa P17 milyon na hindi umano naipagkaloob ng Unibersidad sa hospitalization and medical benefits fund ng mga propesor 1996 hanggang 2001.

Nadagdagan pa umano ito ng P6 milyon noong taong akademiko 2001-2002 at P3 milyon noong 2002-2003.

Ayon sa Korte Suprema, huli na ang paghahain ng USTFU ng kaso laban sa UST noong 2007 sa National Labor Relations Commission, sapagkat walang anumang reklamo ang Unyon ukol sa mga nasabing pondo sa kabuuang panahon ng 1996-2001 CBA, gayundin sa kasunod na 2001-2006 CBA.

Article 290 of the Labor Code provides that unfair labor practices prescribe within one year from accrual of such unfair labor practice; otherwise, they shall be forever barred. Article 291 provides that money claims arising from employer-employee relations prescribe within three years from the time the cause of action accrued; otherwise they shall be forever barred,” ayon sa desisyon.

Mula 1996 hanggang 2011, nakapagtala ng kabuuang pondong P105 milyon ang USTFU para sa hospitalization at medical benefits fund, at P79 milyon dito ay nagmula sa UST.

Inihain ng USTFU ang nasabing petisyon sa korte noong Disyembere upang suriin ang desisyon ng Court of Appeals. Isinantabi ng Court of Appeals noong 2012 ang desisyon ng NLRC noong 2011 na pumanig sa USTFU. A. F. Merez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.