SUMAILALIM ang mga dalubguro sa Filipino ng Unibersidad sa isang serye ng pagsasanay para sa pagpapayabong ng kanilang kasanayan sa pagsasaling teknikal noong Pebrero 20, 27, Marso 6, at 13, 2021 kasama ng mga tagasalin mula sa  Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Lexcode Inc. na isang translation company.

Ani Prof. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng Sentro sa Salin at Araling Salin, inorganisa ng UST, KWF at Lexcode  ang seminar-workshop na “Linangan: Masulong na Pagsasanay sa Ebalwasyon ng Saling Teknikal”  upang  mahasa ang kasanayan ng mga tagasalin ng tatlong institusyon pagsusuri ng mga salin ng mga tekstong teknikal patungo sa wikang Filipino.

Kabilang sa mga tagapagsanay sina G. John Enrico Torralba, puno ng Sangay ng Salin ng KWF, Gng. Chrisitine Ignacio, Direktor ng Lexcode Inc, Asst. Prof. Alvin Ringgo Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, at Prop. Franz Giuseppe Cortez, tagasalin at propesor mula sa Departamento ng Pilosopiya.

“Ang pinakalayunin niya ay nasa keyword niya, ‘masulong,’ hindi ito yung introduction course, kumbaga advanced training ito para sa mga evaluators ng pagsasalin na hindi gaanong common lalo na’t wala pang istandard para sa pagsusuri ng mga saling teknikal sa bansa,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian.

“Ang [UST Sentro sa Salin at Araling Salin] ngayon ay nakapokus sa pagsasaling teknikal. Marami kaming ginagawa na pagsasaling teknikal specifically para sa mga questionnaires ng mga researchers,” aniya.

Dapat tukuyin muna ng tagasalin ang antas ng kanyang mga mambabasa upang mas maging mainam ang daloy ng paglilipat ng mensahe mula sa simulaang teksto, ayon kay Fajilan.

“[A]ng intention mo ay magkakaiba ang audienceFor example, ‘yung one group ‘yung translation ay para sa mga bata, ito para sa magsasaka, barangay officialsetc.,” paliwanag niya.

Kaugnay nito, nagpahayag ng kagustuhan si Fajilan na isa-publiko ang pagsasanay  sa susunod na pagkatataaon upang madaluhan ito ng iba’t ibang institusyon ng wika .

Binigyang-diin naman Mark Anthony Etcobanez, instruktor sa Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang kahalagahan ng malayang talakayan sa pagpapatuloy ng mga programa para sa pagsusulong ng pagsasaling teknikal..

“Sa malayang talakayan kasi nabigyang pansin ‘yung mga agenda, ‘yung mga patuluyang gawain, ‘yung mga pwedeng gawin ng tatlong institusyon para magpatuloy ‘yung mga ganitong gawain,” aniya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.