KATOTOHANAN ang magsisilbing susi upang makamit ng mga Katolikong Filipino ang biyaya ng makabagong ebanghelisasyon.

Ito ang panawagan ni Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa libo-libong delegado ng kauna-unahang New Evangelization Conference (NEC) 2014 sa SMX Convention Hall, SM Mall of Asia, Pasay City noong ika-7 ng Hunyo.

Kinakailangan ng mga Katoliko na hanapin, ipahayag at gawin ang mga bagay nang naaayon sa katotohanan at kalooban ng Diyos, ani Villegas sa isang sulat na binasa ni Joseph Latorre ng Diyosesis ng Parañaque.

“Kailangan ng ating mundo ang katotohanan upang mahikayat ang ating espiritu na bumalik sa daang itinalaga ng Diyos,” ani Villegas. “Ang sambayanang hindi pinapagtibay ng katotohanan ay hindi babangon sapagkat ang sambayanang kapos sa katotohanan ay hindi makabubuo ng matibay na bugkos ng sangkatauhan.”

Sa kabilang banda, pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang layko na mas paigtingin pa ang misyon bilang Katoliko, sa pamamagitan ng pagiging mga disipulo at tagapagpalaganap ng biyaya ng pagmamahal ng Diyos.

“Hinahamon tayo ng Diyos na gawin ang lahat para iparating sa Simbahang Katoliko ang Kanyang pagmamahal,” ani Bacani sa kanyang homiliya.

Binalikan din ni Bacani sa kasaysayan ng Simbahan ang unang pagdiriwang ng Pentecost o ang araw na pinaniniwalaang pumanaog ang Espiritu Santo sa mga apostol at kay Birheng Maria.

Ani Bacani, mapapatunayan kung gaano kabilis dumami ang sambayanang Katoliko simula noon.

“Dati, ang Simbahan ay mayroon lamang 120 na mananampalataya,” aniya. “Ngunit ngayon, sa loob ng bulwagang ito, apat na libo na tayo.”

READ
Ilang mga paglalakbay, pagtatagpo

Ayon sa Catholic Directory of the Philippines, mahigit sa 80 bahagdan ng 100 milyong populasyon ng Pilipinas ang Katoliko.

‘Nawawalang tupa’

Ayon kay Villegas, pangunahing layunin ng makabagong ebanghelisasyon na ilapit muli sa Simbahan ang mga Katolikong napalayo sa kanilang pananampalataya.

“Tayong mga Filipino ay tinawag upang subukan ang makabagong pamamaraan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, lalo na sa mga bininyagang Katoliko na hindi nagpapamalas ng kaugalian at kasanayan,” ani Villegas. “Hinimok tayo upang paigtingin ang galak sa pagsasabuhay ng ebanghelyo sa iba’t ibang aspekto ng buhay.”

Hinikayat naman ng moderator ng Live Christ Share Christ (LCSC) Movement na si Frank Padilla ang libo-libong delegado na mas ipalaganap pa ang ebanghelyo lalo na sa mga Katolikong tila pinanghihinaan na ng pananampalataya.

“Kumilos tayo upang ang mga kapatid nating napalayo ay bumalik kay Kristo. Ang makabagong ebanghelyo ay isang tawag mula sa Banal na Espiritu,” ani Padilla.

Ayon pa kay Padilla, 99 bahagdan ng mga Katolikong Filipino ay mga Katolikong hindi nagpapamalas ng kaugalian at kasanayan.

“Kumilos tayo bilang isang simbahan. Ibalik natin sila sa pananampalatayang Katoliko,” ani Padilla.

Ang NEC ay nagsilbing ambag ng LCSC Movement sa naideklarang Taon ng mga Layko, dagdag ni Padilla.

Dinaluhan ng apat na libong katoliko mula sa iba’t ibang parokya sa bansa ang isang araw na pagtitipon na pinangunahan ng CBCP at LCSC Movement.

Kasabay ng pagtitipon, isinagawa rin ang kauna-unahang National Catholic Expo na kinatampukan ng iba’t ibang kapisanang banal tulad ng Eternal Word Television Network, Word and Life Publications, Radyo Veritas 846, Pauline Books and Media, Caritas Manila.

READ
A voice with vision

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.