NOONG ika-18 ng Hunyo, nilagdaan ni Pangulong Aquino ang paglalagay ng grapikong babala sa mga pabalat ng sigarilyo sa Pilipinas, na sanhi ng humigit kumulang 87,000 na pagkamatay taon-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo.

Sa ilalim ng Act to Effectively Instill Health Consciousness through Graphic Health Warnings on Tobacco Products o Republic Act 10643, kinakailangang ilalaan ng mga tagagawa ng sigarilyo ang 50 porsiyento ng pabalat para sa paglalagay ng mga nakaririmarim na larawan ng negatibong dulot ng paninigarilyo sa kalusugan.

Sa kabila ng pagiging kilala na isang maninigarilyo, balak ni Aquino na lutasin ang suliranin ng patuloy na pagtaas ng dami ng mga naninigarilyo sa bansa. Sa kasalukuyan, tinatayang 28 na porsiyento ng mga Filipino, kabilang na ang mga kabataan, ang naninigarilyo.

Sa pagpapatupad ng batas na ito, mapapabilang ang Pilipinas sa 40 bansa na nangangailangang maglimbag ng mga grapikong imahen sa pakete ng sigarilyo gaya ng Brazil, Singapore at Indonesia.

Kabilang rin ang Pilipinas sa 168 signatories ng World Health Organization’s Framework Convention on Tobacco Control. Isa itong internasyonal na kasunduan na nagsasabing kailangan na magkaroon ng babala sa lalagyan ng mga sigarilyo, ngunit 72 pa lang ang sumusunod sa graphic health warnings sa pakete ng sigarilyo.

Ayon sa isang pagsusuri sa Harvard School of Public Health, higit na malakas ang impluwensiya ng mga imahen kumpara sa mga salita sa paghahatid sa kaisipan ng mga mamamayan sa panganib na dulot ng pagsisigarilyo.

Gayunpaman, kahit naging mabisa ang batas na ito sa ibang mga bansa, hindi ito nangangahulugan na magiging epekitbo rin ito dito.

READ
For Bench, sex—and sexism—sells

Kung mismong ang Presidente ang hindi makapagpipigil sa bisyo ng paninigarilyo, paano siya magsisilbing halimbawa sa kaniyang mga nasasakupan?

Sa kabilang banda, nagtitiwala ang Department of Health Secretary na si Enrique Ona sa bisa ng batas na ito.

“We are confident that the graphic health warnings on the cigarette packs, coupled with the result of the ‘sin tax’ law of 2013 on the prices of tobacco products, will reduce smoking,” ani Ona sa isang pahayag. “This development brings us closer to our dream of a cleaner air and a healthier people.”

Bagaman may mga pagsusuri na nagsasabing epektibo ang mga grapikong imahen sa pagbawas sa bilang ng mga naninigarilyo, humigit-kulang sa anim na milyong tao pa rin ang namamatay taon-taon dahil sa paninigarilyo ayon sa World Health Organization.

Sa isang pagsisiyasat ng Social Weather Stations, 77 porsiyento ng mga sumagot ang sang-ayon sa paglalagay ng mga imahen ng mga deteryoradong bahagi ng katawan dahil sa paninigarilyo sapagkat mababawasan daw ng batas na ito ang mga mahilig sa bisyo.

Kung naging matagumpay ang pagpapatupad ng batas na ito sa ibang lugar, magiging epektibo rin ba ito sa bansa na kabilang sa may pinakamalaking industriya ng tabako sa Asya?

Dagdag pa rito, tingi-tingi o tig-isang “stick” lang ng sigarilyo ang ginagawang pagbili ng mga Filipino. Madalang ang bumibili ng isang buong pakete kaya naman wala ring saysay na lagyan pa ng imahe ang pabalat nito liban na lamang kung sa mismong sigarilyo ito ilalagay.

Kung lumaon, makakasanayan lang din ng mga Filipino ang pagtingin sa mga nakaririmarim na larawan sa mga pabalat ng sigarilyo tulad ng pagkasanay nila sa paninigarilyo ng Pangulo tuwing makikita nila ito.Maaaring bilhin ng kahit sino at kahit saan sa bansa ang sigarilyo kaya naman tiyak na makikita ng nakararami maging ang mga hindi naninigarilyo at mga bata ang mga larawan ng mga sirang bahagi ng katawan na dulot ng cancer.

READ
Digital ID opposed

Sa halip na pag-aksayahan ng panahon ng pamahalaan ang pagpapatupad ng panibagong batas, mas nararapat na ibaling na lamang nito ang atensiyon sa pagpapatupad ng Sin Tax Law noong 2012 na napatunayan nang higit na mabisa sa paghikayat sa mga naninigarilyo gayundin sa kabataan na itigil na ang bisyo.

Sa huli, may batas man ng paglalagay ng grapikong imahen sa pakete ng sigarilyo o wala, maituturing pa rin na mabuti ang hakbanging ginawa ng administrasyong Aquino para bawasan ang mga naninigarilyo sa bansa sa kabila ng pagiging mapagpaimbabaw ng aksyong na ito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.