HINDI na magpapaloko ang taumbayan sa mga pulitikong nais abusuhin ang kanilang kapangyarihan sa pamahalaan, patunay rito ang mga sunod-sunod na pagpo-protesta sa labas man o sa pamamagitan ng social media katulad ng Twitter at Facebook, dagdag pa ang pagsampa ng mga impeachment complaints laban kay Pangulong Benigno Aquino III.

Tatlo sa mga inihaing impeachment complaints laban kay Aquino ang may kaugnayan sa iregularidad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Korte Suprema bilang “partially unconstitutional” kamakailan.

Sa isang banda, tila naging pork barrel nga ng Pangulo ang DAP kung saan nasuportahan nito ang mga proyektong kaniyang binigyan ng prayoridad. Nagamit ito sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, maging sa pagsasabatas ng RH Bill.

Kaya naman sunod-sunod na kontrobersiya at pagbabatikos ang ibinato ng publiko sa Pangulo. Sa mga ganitong pagkakataon makikita ang pagiging labis na agresibo ng mamamayang Filipino—mapupusok, nauuna ang damdamin bago ang pag-iisip. Kahit ano’ng makitang kamalian o pagkukulang sa pamahalaan, isisisin lahat sa Pangulo. Kung tutuusin, hindi naman lubos na masama ang intensiyon sa likod ng nasabing programa dahil sa pamamagitan nito, marami ring pampublikong proyekto ang napondohan at mabilis na naisagawa ng pamahalaan.

Nararapat na magbunsod ang pagkakatanggal ng DAP ng masidhing pangangailangan na makapag-isip ng higit na kongkretong budget plan ang Pangulo na hindi na magbibigay daan sa korapsyon at iregularidad.

Dagdag pa rito, dapat magkaroon ng pagbabago sa mga mamamayan sapagkat malungkot mang isipin, mas nangingibabaw sa ngayon ang sigasig ng nakararaming Filipino sa paghahanap ng katiwalian sa pamahalaan kaysa sa maghanap ng paraan upang sila mismo ang makatulong sa ikauunlad ng bayan. Kahit hindi lubos na masisisi ang mga Filipino sa kanilang mahigpit na pagbabantay sa pamahalaan, hindi sagot sa lahat ng problema ng bansa ang pagpapalit ng pinuno. Isa pa, malinaw naman na hindi rin uusad ang mga impeachment complaints laban sa Pangulo dahil sa kakulangan ng wastong katibayan.

READ
Thomasian activists march against tuition increase

Marahil ay ayaw nang maulit ng sambayanan ang mga masasamang pangyayaring nasaksihan ng bansa sa mga nagdaang dekada. Katulad na lamang ng pagdeklara ng Martial Law ni dating pangulong Ferdinand Marcos upang mahigpit niyang mahawakan ang Perlas ng Silangan sa sarili niyang kamay.

Mula noon, nakita ng mga mamamayan ang lahat ng mga sumunod na pangulo bilang isang potensyal na diktador.

Hindi mali ang humanap ng katiwalian sa pamahalaan, bahagi ito ng demokrasya at nararapat lamang na gawin natin ito upang masiguro ang kapakanan ng bayan. Ngunit sana, gawin natin ito nang tama.

Kung magpapadala tayo sa ating mga emosyon at agad paiiralin ang poot, siguradong mahahanapan natin ng butas ang bawat kilos ng Pangulo. Kung hindi natin titignan ng patas ang mga pangyayari, hindi tayo makakabuo ng matalinong paghuhusga.

Sana, hindi pa umaabot sa sukdulan ang pagkawala ng tiwala ng sambayanang Filipino sa kaniyang pinakamataas na pinuno. Sapagkat kung tutuusin, tayo mismo ang nagluklok sa kanya sa puwesto.

Hindi natin lubos na masasabing walang nagawang mali o naging pagkukulang ang Pangulo sa loob ng limang taon ng kaniyang panunungkulan. Ngunit dapat din nating isaisip na hindi rin siya perpekto gaya nating lahat. Maaaring may kulang, maaaring hindi pa sapat, subalit hindi pa huli ang lahat.

Kaunti na lamang ang panahon ng administrasyong Aquino upang mapabuti pa ang kalagayan ng bansa bago sumapit ang 2016 kung kailan maghahalal na naman tayo ng bagong pangulo. Kung papababain pa sa puwesto si Aquino sa pinaka-krusyal na panahong ito ng ating bansa, higit na gugulo at lalala ang kalagayan ng Pilipinas.

READ
Pharma dean mulls five-year curriculum

Hindi lamang sa Pangulo nakasalalay ang pag-unlad ng bayan, kung hindi sa ating lahat. Pagkaka-isa ang kailangan ng bayan tungo sa kaunlaran ng lahat—ordinaryong mamamayan man o pulitiko—at makakamit lamang natin ang pagkaka-isang ito kung magbibigay tayo ng kahit kaunting tiwala sa ating pamahalaan.

Patapos na ang termino ni Aquino, ngunit marami pang gulong dapat ayusin, mga pangakong kailangang tuparin at mga katiwaliang dapat tapusin. Walang higit na mas nakakaalam ng mga ito kung hindi ang Pangulo.

Kung hindi na natin nais balikan ang masalimuot na pagkalugmok ng bayan sa nakaraan, huwag na natin pang ungkatin ito sa kasalukuyan. Sapagkat hindi naitutuwid ang nakaraan, ngunit maitutuwid pa natin ang daan sa kasalukuyan.

Kahit maikli na lang ang panahon, subukan nating sundan at sabayan si Pangulong Aquino sa pagtahak ng kaniyang ipinangakong “tuwid na daan.” Bilang kaniyang mga “boss,” bigyan natin siya ng huling pagkakataon upang mapagsilbihan ang mga Filipino.

5 COMMENTS

  1. Saan ba grounded ang sinulat mo? Hindi ba substantial na may willful violation ang pangulo mo? Paano mo naman nasabing emosyon ang pinaiiral? Please read on issues based on a broader sense at mag-suri ka please. It’s your duty as a campus journalist. hindi propaganda machine na walang pinaguugatan na facts.

  2. Sobrang ang lakas mag deteriorate ng quality ng mga nasa Varsitarian. Nakakahiyang tawagin ang sarili ko na Tomasino dahil sa mga katulad mo. Hirit lagi ng mga colleagues ko sakin: “O, yung Varsi may kagag-han nanaman!”

    Paano ka nakapasok sa Varsi?

  3. This is absolutely a worthless and non sense article. I agree with the comments posted here. If this is the way a Thomasian thinks, am ashamed to be called a Thomasian.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.