ISANG nakamamatay na sakit ang Ebola virus disease (EVD) na nakaaapekto sa
mga tao at mga primate tulad ng mga unggoy.

Ang EVD ay may death rate na 25 percent na maaaring umabot sa halos 90 percent. Tinatayang
dalawa hanggang 21 araw bago magpakita ang mga sintomas nito.

Sanhi
at mga sintomas

Kapareho daw ng sintomas ng flu ang EVD, ayon kay Evelyn Lagamayo,
M.D., pinuno ng Laboratory Medicine at Microbiology section ng Faculty of Medicine and Surgery.

“[Ito ay] tulad ng lagnat at pagsama ng
pakiramdam kasunod ng pagkaramdam ng gastric
pain
, nausea at diarrhea,” aniya. “Nagtatapos
ito sa malawak na internal bleeding
at pagdurugo ng katawan na [karaniwang] humahantong sa pagkamatay ng
pasyente.”

Sang-ayon dito si Maria Minerva Calimag,
M.D., presidente ng Philippine Medical Association. Aniya, mahirap alamin kung
ang isang tao ay may EVD dahil sa pagiging non-specific
ng mga sintomas nito. Ibig sabihin, ang sintomas ng EVD ay katulad ng
karaniwang mga sintomas ng iba pang mga ordinaryong sakit.

Ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng EVD ay
ang paggamit ng mga kontaminadong bagay tulad ng karayom at kumot na nagamit ng
taong may EVD; at pagpasok ng mga kontaminadong bodily fluids tulad ng ihi, dugo, suka o dumi sa katawan ng susunod
na biktima.

Ayon sa Department of Health (DOH), hindi
nakukuha ang EVD sa hangin, pag-ubo o pagbahing.

Paliwanag ni Lagamayo, nilulusob ng virus ang
iba’t ibang cells ng katawan na
karaniwang lumalaban sa sakit. Dahil dito, humihina ang immune system ng tao na pangunahing depensa ng katawan sa mga hindi
kilalang mga organismo.

Nagkakaroon ng sakit ang tao kapag nakapasok ang
virus sa katawang may mahinang immune system. Makasisira ng mga tissues sa katawan ang Ebola virus na
maaaring humantong sa pagdurugo ng mga panloob at panlabas na parte ng katawan.

Paggamot
sa EVD

Dahil sa kawalan ng lunas sa EVD, maaari lamang
bigyan ng supportive care at symptoms management ng mga doktor ang
mga apektadong pasyente. Ang supportive care at symptoms management ay mga
pamamaraan kung saan pinagagaan ng mga doktor ang pakiramdam ng kanilang mga
pasyente dahil wala pang lunas o wala nang lunas ang mga kundisyon nila.

Kabilang dito ang pagaayos at pag-alis ng mga
sintomas na maaaring makasama ng pakiramdam ng mga pasyente. Halimbawa dito ang
intravenous therapy at antipyretics, o pampaalis ng lagnat, na
karaniwang ginagamit sa pagpapagaan ng pakiramdam.

Bagama’t wala pang otorisadong gamot para sa
EVD, maraming gamot ang sumusulpot na sinasabing mabisang lunas para sa sakit.
Isa sa mga ito, at ang pinaka-kilala sa lahat, ay ang ZMapp na gawa ng Mapp
Biopharmaceutical Inc.

Gawa ang ZMapp sa isang cocktail o paghahalo ng mga monoclonal
antibody
.

Ang antibody
ay mga protina na ginagamit ng immune system upang mamarkahan at sirain ang mga
di-kilala o nakapapahamak na mga cells.

Pareho dito ang monoclonal antibody, ngunit
ito ay ginagawa sa isang laboratoryo at inaasahang dumikit sa mga parte ng
isang napahamak na cell. Sa pamamagitan nito, magagaya ng monoclonal antibody
ang reaksyon ng immune system kahit hindi natural na antibody ang gumagawa
nito.

Nahahanap ang mga monoclonal antibody sa mga
dagang sinusuri ng mga mananaliksik, at nakita na rin na ito sa mga halamang tobacco.

Kamakailan lamang, naiulat na gumaling na si
Dr. Kent Brantly, isa sa mga doktor at misyonaryong nahawa nang bumisita sa
Liberia, matapos gumamit ng ZMapp. Sinasabing ito rin ang dahilan ng pagkakaroon
ng maayos na kalagayan ng kapuwa doktor na si Nancy Writebol.

Pinagmulan
ng EVD

Unang nadiskubre ang EVD noong 1976 nang
magkaroon ng outbreak sa Congo at
Sudan. Base sa mga ebidensyang nakalap ng World Health Organization (WHO), maaaring
nagmula ang Ebola virus sa mga fruit bat
o di kaya’y sa mga African green monkeys (Cercopithecus
aethipops
) na makikita sa Uganda, Africa.

Nagmula ang kasalukuyang outbreak sa isang
dalawang-taong gulang na bata sa Guéckédou, Guinea na malapit sa Sierra Leone
at Liberia ayon sa mga ulat.

Parehong lubhang naapektuhan ang Sierra Leone
at Liberia matapos kumalat ang sakit.

Idineklara ang sakit bilang
isang Public Health Emergency ng WHO noong
ika-8 ng Agosto sa Geneva, at ayon sa ulat nito noong ika-20 ng Agosto, 1,350
na ang namatay mula sa sakit. M. L. Lubo at Rhenn Anthony S. Taguiam

1 COMMENT

  1. Hindi n po ba ggaling ang taong magkroon ng ebola? Pag b nagkroon po b ng ebola mamatay n po b? Nkkkatakot nmn ang skit ng ebola. Kaylan kya msusugpo ito at mkggawa ng gmot laban dito. Yun po tao n nbanggit po ninyo n gumaling n. Pwede n po cya makisalo s ibang tao? D n po cya mkkhwa ng iba p?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.