Duterte laban sa ibang sangay ng pamahalaan

0
2504

dilettanteLAYUNIN ng tatlong sangay ng pamahalaan na panatilihin ang pantay-pantay na distribusiyon ng kapangyarihan sa estado. “Checks and balances,” ika nga, upang maiwasan ang pang-aabuso ng isang sangay.

Subalit noong mga nakaraang araw, ipinakita ni Pangulong Duterte, mula sa ehekutibong sangay ng gobyerno, ang kawalang-respeto sa lehislatura at hudikatura nang pagsalitaan niya ang Punong Mahistrado na si Maria Lourdes Sereno at siraan si Senadora Leila De Lima. Dahil lamang ito sa pag-uusisa nila sa mga pangyayaring may kinalaman sa kaniyang kontrobersiyal na kampaniya laban sa droga.

Noong ika-17 ng Agosto, nagbitiw ng mga paratang si Duterte tungkol sa isang “babaeng” mambabatas na nakikipagrelasiyon sa kaniyang may-asawang driver. Dagdag ng Pangulo, nagsilbi rin ang driver bilang maniningil ng pera mula sa mga drug sources upang pondohan ang kampanya ng mambabatas noong nakaraang halalan.

Di naglaon, inamin rin ng tough-talking na Pangulo na si De Lima, tagapangulo ng Senate Committee on Justice and Human Rights na siyang nagsasagawa ng pagsisiyasat sa mga extrajudicial killings sa ilalim ng kaniyang administrasiyon, ang laman ng kaniyang mga paratang.

“Here’s a senator complaining. One day I will tell you that her driver himself, who was a lover, was the one collecting money for her during the campaign,” ani Duterte sa kaniyang talumpati sa Kampo Crame.

Naghugas-kamay pa ito sa pagtawag kay De Lima na imoral. Tila nakakalimutan ng Pangulo ang kaniyang pagyayabang sa pagiging babaero, pagkakaroon ng maraming kerida at pagbitaw ng mga hindi kanais-nais na biro tungkol sa panggagahasa noong panahon ng halalan.

Iresponsable ang pagbitiw ng Pangulo ng mga mabibigat na akusasiyon nang walang bitbit na matatag na katibayan.

Maaaring isiping motibo ng Pangulo ang siraan si De Lima dahil sa pagiging matinding oposisiyon at kritiko nito. Hanggang ngayon, tandang-tanda pa rin ng Pangulo ang imbestigasiyon kaugnay ng Davao Death Squad na isinagawa ni De Lima noong siya’y komisyoner ng Human Rights.

Nauna na ring nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Duterte at Sereno, punong hukom ng bansa, nang kuwestiyonin ni Sereno ang listahan ng 159 na opisyales na, ayon kay Duterte, may kaugnayan sa bentahan ng ilegal na droga.

Lantarang binanggit ni Duterte ang pangalan ng mga opisyales, kasama ang pitong mahistrado, at sinabihang sumuko sila sa mga kapulisan—bagay na tinutulan ni Sereno.

Sa isang ulat ng Philippine Daily Inquirer, iginiit ni Sereno na ang Korte Suprema lamang ang may karapatang disiplinahin ang mga hukom at ang natatangi upang magbigay ng karampatang parusa kapag napatunayan.

Nagbanta ang tinaguriang tough-talking na Pangulo na isailalim ang bansa sa Batas Militar kapag nangialam ang Korte sa kaniyang kampaniya laban sa ilegal na droga. “I will order everybody in the executive department not to honor you,” ani Duterte sa kaniyang talumpati sa Cagayan de Oro noong ika-9 ng Agosto.

Nakakalimutan yata ng Pangulo na karapatan ng mga kasapi ng lehislatura at hudikatura ang hamunin ang ehekutibo, lalo na sa gitna ng lahat ng kontrobersiya ng kaniyang madugong kampaniya kontra droga.

Sindami ng butas ng narco-list ni Duterte ang kaniyang mga naging paratang kay De Lima. Sa kaniyang pagiging sensitibo at mapagmataas, ipinapakita ni Duterte ang ugaling hindi angkop sa isang tagapamahala ng estado.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.