BAGO PA man ang pormal na pagbubukas-pinto ng Unibersidad para sa mga kababaihan ay nagkaroon na ng pagkakataon ang ilang babae na makapag-aral sa Unibersidad noong 1879 nang maitatag ang Escuela De Matronas, o School of Midwifery.
Ang pagbubukas ng Escuela de Matronas na nasa ilalim ng Medisina at Parmasya ay naging isang malaking hakbangin para sa Unibersidad na tanging mga kalalakihan lamang ang tinatanggap na mag-aaral.
Sa unang semestre ng taon, 30 lamang ang mga kababaihang pumasok sa Escuela De Matronas at tanging ang mga kababaihang may edad 20 taong gulang pataas, may asawa o biyuda at mayroong affidavit ng kagandahang asal mula sa kura paroko ang maaring pumasok sa programang ito.
Naging pangunahing layunin naman ng programa na bigyang solusyon ang patuloy na lumalala at dumaraming kaso ng kapabayaan sa pagpapaanak noong panahong iyon na siya namang mabilis na sinang-ayunan ni Gobernador Heneral Domingo Moriones.
Sa kabila nito, nanatili lamang ang Escuela de Matronas hanggang 1915 gawa ng unti-unting pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong ito sa kadahilanang higit na tinatangkilik sa bansa ang mga tradisyonal na mga hilot kumpara sa mga matronas na limitado lamang ang bilang at mas mahal na bayad sa kanilang iniaalok na serbisyo.
Matapos magsara ang Escuela de Matronas, taong 1924 na ang sumunod na pagbubukas-pinto ng Unibersidad sa mga kababaihan ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na ginamit ang mga dating aliuntunin tulad ng kinakailangang edad at estado.
Tomasino siya
Alam niyo ba na isang Tomasino ang kilala sa husay ng kaniyang mga galaw sa pagsasayaw at pagtatanghal?
Si Osias Baroso Jr., nagtapos ng kursong AB Communication Arts sa Unibersidad noong 1986, ay kilala sa larangan ng pagsayaw bilang “The Ballerina’s Prince.” Dagdag pa rito, si Baroso ang naging kauna-unahang Filipinong umabot sa semi-finals ng Ballet and Modern Dance Competition sa Japan at nakapagtanghal na rin siya sa tanyag na Don Quixote at Giselle sa Russia.
Noong 1980, nabigyan siya ng scholarship dahil sa angking kagalingan upang magsanay sa School of Ballet and Dance Arts kasabay ng kaniyang pagiging miyembro ng Dance Concert Company at Salinggawi Dance Troupe ng Unibersidad.
Taong 1995 naman nang itatag ni Baroso ang Ballet Manila kasama si Liza Macuja-Elizalde na tinaguriang “prima ballerina” sa bansa at kaniyang kapareha sa ballet sa loob ng labing anim na taon.
Sa kaniyang husay at determinasyon sa napiling larangan, tinanggap ni Baroso ang parangal na Patnubay ng Sining at Kalinangan noong 2007.
Noong 2012 at 2013, matagumpay niyang ginabayan ang mga kabataan ng Ballet Manila sa kanilang paglahok sa Beijing International Ballet Competition sa Tsina kung saan karamihan sa mga kalahok ay nagkamit ng mga gantimpala.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi siya bilang co-artistic director ng Ballet Manila at patuloy na gumagabay sa mga kabataan na nais matutong sumayaw. Krystel Nicole A. Sevilla
Tomasalitaan
Himatid (PNG) – buwis o bayad sa pagpapawalang-bisa ng isang obligasyon, kontrata, o karapatan.
Hal.: Isinabay na niya ang pagbibigay ng himatid sa pagpapasa ng mga kinakailangang papeles.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian Tomo LXXXIII Blg. 5, Setyembre 14 2011
2014. Total Awards Program
Villarroel, Fidel (2012). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of
Higher Education in the Philippines, 1611-2011 (vol.2) Manila; UST Publishing
House
Enriquez, M. Nakuha mula sa http://lifestyle.inquirer.net/158194/osias-barroso-lisa-
macuja-elizaldes-ever-reliable-partner-and-co-teacher/
Osias Barroso Co-Artistic Director and Ballet Master. Nakuha mula sa
Ballet Manila: Storytellers on Toes. Nakuha mula sa http://balletmanila.com.ph/the-
company/ballet-manila/