SADYANG maliit ang apat na sulok ng silid-aralan para sa dunong na taglay ng isang tunay na titser pangkalawakan.

Sa kaniyang librong Titser Pangkalawakan at Iba Pang Angas sa Social Network (Visprint, Inc., 2015), ipinasilip ni Joselito Delos Reyes sa mga mambabasa ang kaniyang malawak na isipan sa pamamagitan ng pagtipa ng kaniyang mga sikat at inaabangang status update sa social networking site na Facebook.

Ang Titser Pangkalawakan na kasunod ng akda ni Delos Reyes na “Istatus Nation” ay binubuo rin ng kalipunan ng kaniyang mga posts sa social networking site.

Nahahati ang akda sa apat na kabanata na tumatalakay sa iba’t ibang uri ng paksa at aspeto ng buhay ng mga Filipino—mula sa personal na buhay ng may akda, pulitika at lagay ng bayan, hanggang sa pagiging guro at kaibigan.

Sa unang kabanata na “Namemersonal,” walang pag-aatubiling isinalaysay ni Delos Reyes ang kaniyang buhay pamilya—ang kaniyang mga pang-araw-araw na karanasan maging ang pagiging ama, ang singkit na asawa at ang kanilang dalawang pinakamamahal na anak.

Bagaman maituturing na pangkaraniwang mga pangyayari ang mga isinasalaysay ni Delos Reyes, masasabing hindi pangkaraniwan ang paraan ng kaniyang pagkukuwento sapagkat may kakayanan siyang makapaghain sa mga mambabasa ng kakaibang giliw at panibagong paraan ng pagtingin sa mga ordinaryong pangyayari sa buhay.

Sa sumunod na kabanatang, “Balat sa Tinalupang Bayan,” tinalakay naman ng may akda ang samu’t saring suliranin na kinakaharap ng bayan lalo na sa larangan ng pulitika.

Walang alinlangan na ihinayag ni Delos Reyes ang kaniyang pananaw sa patuloy na pagkabulok ng sistema ng pamahalaan, talamak na korapsyon, hari-hariang pulitiko at ang kanilang pagpapabango at pagpapaganda ng imahe sa pamamagitan ng minsan nang nausong “MRT challenge.”

READ
Writing and research

Sa pamamagitan ng pagtalakay ng may akda sa mga mahahalagang usapin sa bayan, nadadala niya ang mga mambabasa sa mundo ng kamalayang nanghihimok ng pagkilos tungo sa mas magandang bukas, na sa kabila ng kaniyang mga pabirong komentaryo, nananatili pa ring makabuluhan ang kaniyang mga pahayag hinggil sa mga suliranin ng nakaraan, kasalukuyan at kung mamalasin, maging ng hinaharap.

Sa ikatlong kabanatang “Titser Pangkalawakan,” na siya ring titulo ng aklat, pinatunayan ni Delos Reyes na ni kailan man ay hindi maiwawaglit sa isang guro ang kaniyang pagiging guro.

Mula sa tamang gamit ng mga salita, board exams, grado, pisika, pagkakaiba ng American English at standard English, hindi makatarungang suweldong pang asin ng mga guro, K-12 at pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo, hindi maiwasan na lumabas ang natural na pagiging guro ng may akda sa kaniyang patuloy na pagibibgay kaalaman sa mga mambabasa.

Sa huling bahagi ng akda na “Payong Kinakapatid,” tinalakay naman ang paksang malapit sa puso ng mga mambabasa—ang buhay pag-ibig at ang pinakamagandang regalo na nakukuha ng mga ikinakasal, ang mahirap suyuing biyenan.

Handa si Delos Reyes na sagutin ang mga katanungan at bigyang payo ang kaniyang mga masugid na mambabasa na sumusubaybay sa bawat status update niya sa Facebook.

Sa kabuuan ng kaniyang akda, mahihinuha na talaga namang alam na ni Delos Reyes ang kiliti ng kaniyang mga mambabasa. Suwabe ang kaniyang atake sa pagtalakay ng mga usapin sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng salitang madaling unawain ngunit may lalim at kabig sa dibdib.

Bukod pa rito, higit niyang nakukuha ang atensyon ng mga mambabasa sapagkat maiikli at mabilis basahin ang kaniyang mga personal na sanaysay. Dahil na rin panahon na ngayon ng kawalan ng panahon at patuloy nang umuunti ang mga may oras para magbasa, malaki ang naging tulong ng napiling pamamaraan ni Delos Reyes upang makakonekta sa iba—ang magpalaganap ng kaniyang angas sa tinatawag niyang “social network underworld.”

READ
Bilang ng guidance counselors, sapat nga ba?

Sa huli, pinatutunayan ng akda ni Delos Reyes na sadyang maliit ang kalawakan kung ihahambing ito sa lawak ng kaalaman—at angas na rin—ng isang tunay na titser pangkalawakan na tulad niya. Maria Koreena M. Eslava

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.