5 Agosto 2015, 12:43 p.m. -NAKATAKDANG makiisa si Krisel
Mallari sa taunang Welcome Walk matapos pahintulutang mag-enroll sa UST-Alfredo
M. Velayo College of Accountancy kahapon, ika-4 ng Agosto.
“Yes, sasama ako bukas,” ani Mallari sa isang
mensaheng ipinadala sa Varsitarian nang tanungin ito kung makakasama sa taunang
selebrasyon.
Nakilala si Mallari nang kumalat ang isang video sa
Internet, kung saan pinigilan siyang ibahagi ang kanyang buong talumpati
bilang salutatorian, sa kanyang pagtatapos sa Sto. Niño Parochial School sa
Quezon City noong Marso.
Pinalitan ni Mallari ang talumpating inaprubahan ng paaralan
upang ilabas ang kanyang saloobin. Naniniwala si Mallari na siya dapat ang
naging valedictorian. Naging dahilan ito upang hindi siya bigyan ng paaralan ng
Certificate of Good Moral Character.
Idinemanda ni Mallari ang Sto. Niño Parochial School at
noong nakaraang Linggo ay naglabas ng kautusan ang Court of Appeals sa paaralan
na bigyan ang dating mag-aaral nito ng sertipikasyon na kailangan upang
makapagpatala sa UST.
Naninindigan naman ang paaralang Sto Niño na hindi totoong dinaya si Mallari, at taliwas sa pahayag ng salutatorian, naipakita sa kanya kung paano tinuos ang kanyang mga grado.
Unang lumabas ang balitang pinayagang mag-enroll sa UST si Mallari sa Twitter account ng Varsitarian.
“Sobrang happy ko na! Makakatulog na ko nang mahimbing.
Pero grabe talaga ‘yung perfect timing ni God. Last week lang, iyak ako ng iyak
kasi baka ‘di na ko sa UST,” ani Mallari.
Ayon kay Patricia Empleo, dekano ng Accountancy, tinanggap
si Mallari sa bisa ng mga dokumentong kanyang isinumite.
“She was accepted on the merit of the credentials she
presented to us,” ani Empleo sa isang panayam sa Varsitarian.
Tumangging magbigay ng iba pang detalye ang panig ni
Mallari.
Ang taunang Welcome Walk ay gaganapin mamaya sa ganap
ika-7:30 ng umaga. K. V. Baylon