Wikang Filipino, gawing ‘target language’ ng pagsasalin – Almario

0
4266
File photo

IMINUNGKAHI ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gawing tunguhang lengguwahe o target language ang wikang Filipino bilang simula ng “malinaw na agenda” sa pagsasalin sa bansa.

“[U]nang-una, may libu-libo tayong guro ng Filipino na nagtuturo at gumagamit ng Filipino sa pagtuturo. Walang ganitong lakas pa ang alinman sa ating mga wikang katutubo,” wika ni Virgilio Almario sa isinagawang pambansang kumperensiyang “Hasaan” sa AMV Multi-Purpose Hall noong ika-5 ng Agosto.

Dagdag pa niya, hindi maaaring walang “organisadong pagkilos” para tugunan ang mga pangangailangan ng pagsasalin sa bansa, kahit pa hindi ito priyoridad ng pamahalaan.

Ayon pa kay Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, mahirap makapagsalin sa lahat ng katutubong wika sa bansa. Hindi nga ito magawa kahit sa walong pangunahing wika.

“Kahit nga ang pagsasalin lamang sa itinuturing nating major languages ng Pilipinas ay imposible na. [B]ibliya lang yata ang naisalin sa maraming wika sa Filipinas, o kaya ang ibang polyetong komersyal,” sabi ni Almario.

Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang taong 2019 bilang International Year of Indigenous languages.

Kung susundin ang Unesco, kailangang magkaroon ng pagsisikap na maisalin sa 130 wikang katutubo sa bansa ang anumang akda, wika ni Almario.

“[H]indi puwedeng walang patnubay sa dapat maging direksiyon at oryentasyon ng pagsasalin. Malinaw na agenda, ang ibig kong sabihin sa malinaw ay makatotohanan. Hindi puro pangarap,” giit ni Almario.

Dapat ding bigyan ng pantay na pansin ang pagsasaling pampanitikan at pagsasaling teknikal para sa pag-unlad ng larangan, aniya.

“Ang Papel ng Pagsasalin sa Interaktibong Ugnayan ng Wikang Pambansa at mga Wikang Katutubo” ang tema ng ika-pitong “Hasaan” ngayong taon, na ginanap mula ika-5 ng hanggang ika-7 ng Agosto. M.J.T.L. Nepomuceno

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.