6 Agosto 2015, 09:14 a.m. HINIKAYAT ng mga edukador sa
wikang Filipino ang mga guro na lalong pag-ibayuhin ang kanilang pagtuturo ng
wikang pambansa at wikang katutubo.

“Hindi tayo makakaasa na maging mahusay na mahusay ang mga
mag-aaral kung hindi mahusay na mahusay ang modelo (mga guro) nito,” ani Ruth
Mabanglo, dating propesor sa Unibersidad ng Hawaii, sa unang araw ng Pambansang
Kongreso sa Pagpaplanong Wika na idinaos sa Sison Auditorium, Lingayen,
Pangasinan.

Ayon kay Mabanglo, kailangang suriin ang kakayahan ng mga
guro na nagtuturo ng wikang Filipino gayundin ang mga materyales na kanilang
ginagamit na nakalulumpo sa kakayahan nilang maturo at manaliksik.

“Sa kasalukuyan, hindi naman makatotohanan ang mga
aklat na pinagagamit sa mga estudyante. Sinulat ito ng mga awtor na ang nasa
isip ay leksiyon ang tangi [nitong] layunin, upang mapadali ang gawain,”
aniya.

Makabubuting gamitin bilang panturo ang mga “soap
opera” at pelikulang Filipino sapagkat hindi nakatuon ang mga ito sa
pagtuturo kundi sa gumagamit ng wika, at makahuhubog pa ang mga ito sa pandinig
ng mga mag-aaral.

Batid naman ni Jimmy Fong, komisyoner ng Komisyon sa Wikang
Filipino (KWF), na ang papalit-palit na kurikulum ang nagpahirap sa mga gurong
magturo sa wikang katutubo.

“Ang pagbabaybay sa mother tongue at sa Filipino ay
parehong-pareho. Ito ang sabihin ninyo sa kanila (mga mag-aaral),” ani Fong.

Maraming mag-aaral ang nawawalan ng motibasyong matutuo sa
wikang Filipino pagtuntong ng ika-apat na baitang dahil sa kasanayan sa wikang
katutubo, dagdag pa niya.

Ito ang kauna-unahang Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong
Wika na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino.

READ
Saliksik ng Tomasinong propesor, gagawaran ng KWF

“Ang pagpaplanong ito’y makasaysayan dahil napakalaking
pagtitipon nito para harapin ang mga problema sa pagpapalaganap ng wika at
makaipon tayo ng mga komentaryo at mungkahi kung paano pauunlarin ang wikang
pambansa,” ani Virgilio S. Almario, tagapangulo ng KWF.

Ang Pambansang Kongreso ay tatlong araw na pagpupulong mula
Agosto 5-7 ng mga edukador, manunulat, at opisyal mula sa iba’t ibang rehiyon
sa Lingayen, Pangasinan. Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.