Saliksik ng Tomasinong propesor, gagawaran ng KWF

0
4726

ISANG Tomasinong dalubguro ang pararangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa kaniyang saliksik tungkol sa mga babaeng manunulat mula sa Nueva Vizcaya.

Hinirang ang “Ubbóg Ti Asin: Kuwento at Kuwenta ng mga Babaeng Mannúrat,” disertasiyon ni Lovella Gamponio Velasco, bilang pinakamahusay na disertasiyon para sa ikatlong Gawad Julian Cruz Balmaseda.

Tampok sa kaniyang papel ang mga babaeng manunulat mula sa Nueva Vizcaya at ang kanilang ambag sa pagpapalaganap ng kanilang rehiyonal na panitikan tungo sa konseptong pambansa.

“Layunin ng aking disertasiyon na ipakilala hindi lamang ang probinsiya ng Nueva Vizcaya, ngunit lalo na ang mga babaeng manunulat dito,” ani Velasco sa isang panayam sa Varsitarian.

“Naturingang mga nasa laylayan ang mga kababaihang manunulat ng aming rehiyon at ang kanilang mga akda gayong napakayaman. Nilalayong higit silang makilala bilang mga babae at babaeng manunulat upang bigyang-tinig sa usaping mapagpalaya sa kababaihan,” dagdag pa niya.

Nakamtam ni Velasco ang kaniyang doktorado sa panitikan sa UST noong 2016 na may gawad na cum laude.

Sa kasalukuyan, kawaning propesor si Velasco ng wika at panitikan sa College of Arts and Sciences ng Nueva Vizcaya State University.

Ipinagkakaloob ang Gawad Julian Cruz Balmaseda sa mga natatanging tesis at disertasiyon sa agham, matematika, at agham panlipunan na isinulat sa wikang Filipino. Iginagawad ito tuwing o malapit sa Araw ni Julian Cruz Balmaseda (28 Enero 1895–18 Setyembre 1947) na tanyag bilang bilang makata, kritiko at iskolar ng Filipino.

Gaganapin ang paggawad sa ika-27 ng Enero sa Bulwagang Romualdez sa tanggapan ng KWF sa Maynila.

READ
Mga guro, hinikayat na pag-ibayuhin ang pagtuturo ng wika

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.