17 Agosto, 2015, 11:10 ng – HALOS isang taon matapos mawalan ng P50,000 na pondo, sinigurado
ng  konseho ng mga mag-aaral sa Faculty of Arts and Letters (ABSC) na may
ilang indibidwal na mananagot sa insidente.

Sa pahayag na inilabas ng ABSC sa Facebook
kahapon bilang tugon sa isang “silent protest” na isinagawa ng
ilang mag-aaral noong ika-14 ng Agosto, sinabi ng konseho na nakatakdang
isapubliko ang resulta ng mga imbestigasyong isinagawa sa susunod na linggo matapos
ang ilang pagbabago sa paunang hatol.

Ito ay ayon na rin sa mga opisyal ng fakultad, dagdag pa ng
konseho.

Sa isang mensahe na ipinadala sa Varsitarian, sinabi
naman ni Marie Jann Klaire Lazo, pangulo ng ABSC noong nangyari ang pagkawala ng
pondo, na ang pagsasapubliko ng resulta
ng mga imbestigasyon ay makatutulong umano upang malinawagan ang mga mag-aaral.

“After
all these months, may magiging clear na batayan na ‘yung mga estudyante sa kung
ano ‘yung nangyari. Kahit papaano mababawasan ng tinik sa dibdib kaming mga
former officers at ‘yung present officers,” ani Lazo, na nagtapos noong
Mayo.

Aniya,
ano man ang maging hatol, dapat pagkatiwalaan ang mga nagsagawa ng
imbestigasyon sa pangunguna ng katuwang na dekano ng Artlets na si Narcisa
Tabirara, dahil na rin sa kasanayan nila sa paghawak sa mga isyung may
kinalaman sa mga mag-aaral. 

Ayon pa sa pahayag na
inilabas ng ABSC, tinututukan ng lupong tagapagpaganap ng konseho ang mga
isyung hindi natugunan noong nakaraang taon kabilang ang nabalam na pamamahagi
ng Type B uniforms na dapat sana’y gagamitin noong tag-araw. Sinabi rin ng konseho na
handa itong makinig at tumugon sa mga hinaing ng mga mag-aaral.

“The current Executive
Board of the Artlets Student Council has been consistent in addressing the
issues concerning the Artlets community, which is (sic) not limited to the lost
P50,000 and the Type B uniforms,” sabi sa pahayag. 

Ayon pa sa ABSC,
nakatakdang ilunsad  ang mga sumusunod na proyekto: Constitutional
Convention, State of the Council Address, MINUTES: The Official Quarterly
Newsletter of the Artlets Student Council, paglalagay ng CCTV camera at AB
Complaints and Relief sa layuning magkaroon ng transparency sa
konseho.

Kinondena naman ng
grupong nanguna sa silent protest ang diumano’y pangma-maliit ng konseho sa
nangyaring protesta. Ayon sa League of Filipino Students-UST Chapter, ang
suhestiyon na dumulog sa “proper platform” ay hahantong lamang sa
pag-uusap na walang malinaw na pananagutan at kahihinatnan.

 “It
is the responsibility of the incumbent student council to be transparent, if
they (sic) are really true to their electoral mandate as student leaders, and
do (sic) not dismiss such protest actions as a nuisance act,” pahayag ng
grupo sa Facebook noong ika-15 ng Agosto. 

Dagdag pa ng grupo, hindi dapat isantabi ng konseho ang
nangyaring silent protest dahil lamang sa konserbatibong balangkas o panuntunan
nito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.