30 Agosto, 2015, 3:55p.m. – NAG-UWI ng
mga medalya at parangal ang labing-anim na mag-aaral ng hotel and restaurant
management (HRM) mula sa College of Tourism and Hospitality Management (CTHM) sa
nakaraang Manila Foods and Beverages Expo (MAFBEX) 2015 noong Hulyo 22-26 sa
World Trade Center sa Pasay.

Nagtagumpay ang mga kalahok na maiuwi ang
apat na gintong medalya para sa mga kategoryang cake decorating, market basket, seafood cookery at cooking demo, isang pilak na medalya para sa mocktail punch at isang
special trophy
para sa pralines and
truffles.

Kabilang sa mga nagkamit ng parangal para sa
cake decorating ang grupo nina Klarissa Bautista, Mimi Mesina, Gian Moriones at
Constance Selga.

Aminado si Selga na hindi naging madali para
sa grupo ang magdesisyon sa kung ano ang magiging disenyo ng cake na kanilang
inilaban para sa kategoryang ito, na may temang “1960s.”

Making
the design of the cake was not that easy. We made lots of revision before we
came up with the design
,” ani Selga.

Dagdag pa niya, bukod sa isang buwang paghahanda,
humingi sila ng payo at gabay mula sa mga propesyonal sa larangan ng cake design.

Hindi naman nagpahuli ang grupo ng mga mag-aaral
na kinabibilangan nina Justine Acoba, Trevor Frani, MJ Dela Cruz at Alyanna
Renola upang sungkitin ang gintong medalya para sa market basket category.

Tagumpay ring naiuwi ni John Mark Tolosa ang medalya
para sa kategoryang seafood cookery,
samantalang nasungkit naman ni Angelica Tongol ang isa pang parangal para sa
kategoryang cooking demo. Nakamit
naman ng grupo nina John Parraba, Jayne Co at Rizel Trinidad ang pilak na medalya
para sa kategoryang mocktail punch.

Ibinahagi ni Trinidad sa Varsitarian na kahit hindi naging madali ang kanilang pagsali sa
kompetisyon, naging susi naman sa kanilang pagkapanalo ang pagtutulungan ng
kanilang grupo.

Samantala, pinarangalan naman ng special trophy ang grupo nina Deanne San
Vicente, Patrice Torres at Jemuel Cheng matapos lumahok sa kategoryang pralines and truffles.

Ang ika-9 na MAFBEX, na may temang “Delicious Adventure,” ay isang taunang pagtitipon
ng mga beterano at mga baguhan sa industriya ng pagluluto at hospitality. Layunin nitong
bigyang-halaga ang talento ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtangkilik sa
mga lokal na produktong ipinagbili rin sa limang araw na expo. Kabilang sa mga itinampok
na programa ang demonstrasyon ng pagluluto at kompetisyon para sa mga paaralan
at propesyonal, na pinangunahan ng mga organisasyong Young Hoteliers Exposition
at Organization of Bar Professionals.

Nilahukan ng 19 na mga kolehiyo at
unibersidad ang nasabing patimpalak, kabilang ang Emilio Aguinaldo College,
University of the Philippines-Diliman, University of the East, San Sebastian College
Recolletos-Manila, Arellano University at iba pa.

Inorganisa ang MAFBEX 2015 sa tulong ng Comexposium,
isang kompanyang naka-base sa France. Kathryn Jedi V. Baylon

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.