ISANG alumnus ng College of Architecture ang kinilala ni Pangulong Macapagal-Arroyo bilang isa sa Ten Outstanding Students of the Philippines (TOSP) noong ika-14 ng Hulyo sa palasyo ng Malacañang.

Si Michael Vincent Uy, cum laude ng Architecture ngayong 2006, ang isa sa sampung nangibabaw sa 225 estudyanteng inilahok ng iba’t ibang eskuwela sa buong bansa dahil sa kanyang “exemplary leadership skills” noong estudyante pa lamang siya.

Noong nakaraang taon, si Uy ang nagsilbing presidente ng Students Organization Coordinating Council (SOCC), ang lupon ng 30 pang-unibersidad at 120 pang-kolehiyong organisasyon ng UST at ng UST Rotaract Club.

“Naipamalas ni Michael ang kanyang kakayahang maging lider noong maupo siya bilang pangulo ng SOCC. Hindi madaling mamuno ng isang umbrella organization na mayroon din 150 iba pang lider ng kani-kanilang organisasyon,” ani SOCC adviser Prop. Anita Garcia.

Tumanggap si Uy ng Benavidez Outstanding Achievement Award sa Unibersidad matapos siyang maging isa sa walong finalists sa ika-pitong Hitachi Young Leaders Initiative sa Kuala Lumpur, Malaysia noong July 2005 at sa Singapore International Student Symposium noong August 2005.

Samantala, hinamon ng Pangulo ang mga tumanggap ng parangal na tumulong upang maging “model of environmental stewardship” ang bansa.

“Kinakailangan namin ang tulong ng mga kabataang tulad ninyo ngayon, bilang mga susunod na pinuno ng bansang ito, na makamit ang mithiing ‘Green Philippines’. Ipagpatuloy niyo ang pagiging modelo ng kasipagan, kagalingan at paglilingkod,” ani Arroyo sa mga tumanggap ng TOSP.

Ngunit para kay Uy, hindi sapat ang magkaroon lamang ng isang mithiin upang mapakilos ang isang adhikain.

READ
Sandigan justice leads TOTAL

“Kailangan, kapag may goal ka, sapat ‘ yung talinong meron ka para mapausad ang minimithi mo,” ani Uy. “Para sa akin, bilang isang arkitekto, meron akong responsibilidad na mapaganda ang ating bayan at mapalawak pa ang paggamit ng land resources.”

Nagsimulang mamigay ng TOSP ang RFM Foundation, National Bookstore at Rotary Club ng Makati kasama ang Commission on Higher Education (Ched) noong 1961 sa mga estudyanteng nagpapakita ng husay sa akademiko at iba’t ibang uri ng larangan.

Ang abugadong si Arlene Maneja at electrical engineer na si Genesis Tan ang huling mga Tomasinong tumanggap ng TOSP noong 2002 at 2003.

Nagsilbing hurado ng TOSP ngayong taon sina dating senador Wigberto Tañada, dating National Economic Development Authority secretary-general Solita Monsod, Ched executive director William Medrano, CrimsonLogic Philippines Inc. general manager Leo Querubin, John Clements Consultant Inc. direktor Leonardo Tanlu at si dating Chief Justice Hilario Davide Jr., bilang pinuno. Marc Laurenze C. Celis

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.