MGA TELESERYE o teledrama ang kasalukuyang mabili sa mga pangunahing himpilan ng telebisyon at hindi maitatangging malaking bilang ng mga Pilipino ang tumatangkilik sa ganitong palabas.
Malaking bahagi rin ng mga Tomasino ang nanonood ng ganitong uri ng mga programa sa TV. Ngunit dahil sa kapaligirang mayroon tayo at sa kulturang sumisibol sa kasalukuyan partikular na sa mga tulad nating mag-aaral na pawang nagmamataas, nagmamagaling, nagmamalinis, at itinatangging nanonood sila ng pang-araw-araw na drama sa telebisyon.
Ayon sa mga taong ayaw nito , isang mababang uri ng libangan ng mga mabababang uri ng tao sa ating lipunan ang panonood ng mga teleserye, teledrama, soap opera, o kung ano man ang tawag rito.
Kahit baligtarin man natin ang daigdig, kahit kagaano pa kawalang kuwenta, kabulok, kawalang patutunguhan, o kasabiksabik ang mga drama sa TV, nagsisilbi pa rin itong salamin ng buhay ng bawat isa sa atin.
Minsan, nawawalang-saysay ang ating buhay tulad ng ilang mga drama sa TV. Nararamdaman nating walang kuwenta ang mga bagay-bagay tulad ng mga minsang paggising sa umaga na hindi natin maisip kung bakit pa kailangang gumising, gumawa, at magpakapagod sa isang buong araw. Paulit-ulit lamang kaya nawawalang halaga tulad ng mga kuwento sa soap opera. Ganito lamang ba ang buhay? Nakakasawa?
Minsan hindi natin makita ang halaga nang mabuhay dito sa mundo kaya unti-unting nabubulok ang ating araw-araw na pamumuhay. Nakakalimutan nating tingnan ang masasayang aspeto ng pagiging tao. Humahantong ito sa pagkalimot na lasapin ang ganda ng mundo. Ganito ang ating buhay sa ilang pagkakataon. Nabubulok. Puro lungkot, kasiraan, galit, at suliranin ang bumubuhay sa atin. Tulad ng mga soap opera, hindi uusad kung wala ang mga ito.
Dahil sa mga hindi ninanais na kaganapan tulad ng pagkabigo o hindi maunawang dahilan, nawawala tayo sa landas. Hindi natin alam kung saan tayo tutungo. Isa ito sa pinakamahirap na bahagi ng buhay, kapag hindi mo malaman ang iyong dahilan. Tulad ng mga soap opera hindi mo rin malaman kung saan patungo ang kwento kaya nawawalan ng halaga.
Kung gaano katanga ang mga karakter sa TV, ganoon din katanga ang karamihan sa atin. Tanga sila sa tunay na kahulugan ng buhay at hindi nauunawaan ang realidad. Maaaring nagtatanga-tangahan lamang ang iba upang takasan ang mga katotohanan sa mundo.
Itakwil man natin ang mga soap opera dahil sa pagiging bulok at walang patutunguhan at saysay nito, marami pa rin sa atin ang tulad ng mga palabas na ito. Madalas kung gaano ka-negatibo ang mga drama sa TV, ganoon din ka-negatibo ang buhay natin.
Kapalaran ang tema ng lahat ng mga drama. Nagiging sunud-sunuran ang mga karakter sa kuwento. Hindi nila hawak ang kanilang kahihinatnan. Tulad natin, nagiging mga alipin tayo ng ating mga tadhana.
Hindi ko nais na mawalan ng kakayahang lumaban sa buhay. Ako ang nagmamaneobra sa manibela ng aking buhay – hindi ang tadhana. Ayaw kong matulad sa kapalaran ng mga karakter sa soap opera.
Bilang tao, kinakailangan nating madama ang kasabikang mabuhay dito sa mundo upang lumigaya. Tulad ng mga teleserye, mayroon ding kasabikan at kagandahan ang mabuhay. Sikapin lamang nating makita ito sa ating mga sarili.
Nagsusumikap akong makita ang halaga, katuturan, patutunguhan at kaligayahan sa kasalukuyan upang ganahang ipagpatuloy ang drama ng aking buhay.
Nananatili akong umaasa habang nagpapatuloy ang drama ng aking buhay. Hahawakan ko ang aking kapalaran. Hindi ako magpapabihag sa tadhana. Ako ang bubuo ng aking kwento at mananagot ang mga kontrabida sa aking drama.
May kanya-kanya tayong drama sa bawat araw. Ikaw ang bida sa drama mo. Ako naman ang bida sa drama ko. Ang bawat isa sa atin ang produser, direktor, at scriptwriter sa pang-araw-araw na soap opera ng ating buhay. Ito ang makatotohanang teleserye.
Kung nawawalang-saysay, nabubulok, at naliligaw, ang ating buhay tulad ng mga soap opera, pananagutan natin ito.
May kanya-kanyang kapangyarihan ang bawat indibidwal dito sa daigdig na maging hari ng sarili niyang kaharian. Ikaw ang hari ng iyong buhay. Ako ang hari ng aking buhay. Ako, tulad mo ang masusunod sa takbo ng sari-sarili nating teleserye.
Richard L. Rodriguez