(Kuha ni Alvin Joseph Kasiban)
6 Setyembre 2015, 3:27p.m.– BINIGYANG PAGKILALA ng UST Center
for Creative Writing and Literary Studies ang mga aklat ng tatlo nitong resident
fellows noong ika-5 ng Setyembre, sa isang programa sa Thomas Aquinas
Research Complex Auditorium.
Tampok sa programang “Tabas ng Dila” ang “Tister
Pangkalawakan” (Visprint, Inc.) ni Joselito de los Reyes, nagtuturo ng
Panitikan, Malikhaing Pagsulat at Kulturang Popular sa Unibersidad; “Isang Gabi
sa Quezon Avenue” (UP Press) ni Mar Anthony Simon de la Cruz, na nagwagi ng
ikatlong gantimpala para sa Maikling Kuwento sa Carlos Palanca Memorial Awards
for Literature noong 2012 at kasalukuyang nagtuturo ng Filipino sa Unibersidad;
at “Kumpisal” (UST Publishing House) ni Chuckberry Pascual, nagtuturo ng
Panitikan at Humanidades sa Unibersidad.
Sa kaniyang pambungad na pananalita, sinabi ni Prop.
Cristina Pantoja Hidalgo, direktor ng sentro, na kinakailangan ng mga manunulat
ng lakas ng loob upang makalikha ng sining para sa mga mambabasa.
“It takes courage to produce art for the audience and for
the world,” aniya. “We expose our works to the judgments of others.”
Sinang-ayunan naman ito ni De los Reyes nang ibahagi niya
ang suliranin ng isang manunulat sa pag-abot sa mga mambabasa. “Sa panahon
ngayon, mahirap pukawin ang atensiyon ng mga kabataang mambabasa kung kaya’t
nagpopost ako ng mga sanaysay o tula sa social media,” aniya.
Binigyang-diin pa ng mga tampok na manunulat ang kahalagahan
ng disiplina. “Hindi ako naniniwala sa writer’s block. Bilang isang manunulat,
kailangan mong gumawa ng personal deadline,” ani Pascual.
Naunang itinampok ang mga aklat ng tatlong manunulat sa
“Usapang Tomasino 2015: Huwag Kang Pabebe” na ginanap noong ika-27 ng
Agosto sa bulwagan ng UST-Alfredo M. Velayo College of Accountancy.
Hinimok din ang mga Tomasino na tangkilikin ang iba pang mga
aklat gaya ng “Passages: Selected Travel Essays,” “Travels with Tania,” “Stella
and the other friendly ghosts: Essays” at “Filipino Woman Writing: Home and
Exile in the Autobiographical Narratives of Ten Women” ni Cristina Pantoja
Hidalgo; “Thomas Minor Key” ni Ophelia Alcantara Dimalanta; “Isa Lang ang
Pangalan: Mga Tula” ni Rebecca Añonuevo; “iStatus Nation” ni De los Reyes;
“Home of the Ashfall: A Memoir” at “Falling into the Manhole: A Memoir” ni John
Jack Wigley; “The Murmurs Asylum: Poems” ni Ned Parfan; at “The Heart of Need”
ni Prop. Augusto Antonio Aguila. Maria Koreena M. Eslava at
Bernadette A. Pamintuan