“HINDI naman sa gobyerno napupunta ang ipinapadalang dolyar ng mga overseas Filipino workers (OFW) kaya hindi ito nararamdaman direkta sa ekonomiya ng bansa.”

Ito ang napabalitang pahayag ni presidential spokesperson Edwin Lacierda bilang tugon sa samu’t saring pambabatikos na inani ng administrasyong Aquino patungkol sa plano ng Bureau of Customs na ipatupad ang pag-iinspeksiyon at pagdadagdag ng buwis sa mga “balikbayan boxes.”

Habang naghahanap ako ng mga detalye nito ilang araw matapos pumutok ang balita, maging ang infographic na nakita ko sa social media noong ika-23 ng Agosto ay hindi ko na makita. Walang kahit na isang balita tungkol dito at kinumpirma ito ng isang opinion column sa Manila Times ng kolumnistang si Ben Kritz, “I was unable to find a reliable (as in, non-social media) source for it.”

Marahil kasunod ito ng pagtanggi ni Lacierda na minaliit niya ang halaga ng remittance ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa. Depensa niya, pakana ito ng mga kontra-administrasiyon sa kagustuhang sirain ang tingin ng mga OFW sa administrasiyon.

Pagpupunto ni Lacierda, hindi epektibo ang No Remittance Day (NRD) dahil pamilya naman na nakikinabang sa mga padala ng kanilang mga kamag-anak mula sa abroad ang direktang apektado nito.

“Iyong remittance po ng mga OFWs po, hindi po napupunta po ‘yan sa ano… napupunta po ‘yan sa kanilang mga kamag-anak,” aniya.

Hindi naman talaga niya ito sinabi. Nagpasaring lang siya. Nagparinig. Gaya ng madalas niyang gawin bilang tugon sa mga isyung binabato sa Malacañang. Matatandaang maging ang UST ay hindi nakaligtas dito nang sabihin ni Lacierda na ang big university na tinutukoy ng Pangulo sa kaniyang huling State of the Nation Address ay “definitely not Jesuit.”

READ
Ang Pasko ni Tatay Anding

Hindi kailangan ng napakatalinong tao upang ipakahulugan ang sinabi niya. Gaya ng hindi niya direktang sinabing Dominikong Unibersidad, hindi rin niya direktang sinabing hindi apektado ng remittances ang ekonomiya ng bansa.

Hindi naman na bago ang taktikang ito ng mga miyembro ng kasalukuyang administrasiyon—ang magpasaring at magpaligoy-ligoy para sakaling makaramdam ang mga pinatatamaan nila, wala silang panghahawakang direktang salita.

Pero tulad ng sinabi ni Kritz, hindi na importante kung ano at kung kailan ito sinabi ni Lacierda. Aminin man niya o hindi, mali pa rin ito.

Ang sinasabi niyang dahilan kung bakit hindi epektibo ang NRD ang siya namang sinabi ni Rosemarie Edillon, direktor ng National Economic and Development Authority, na dahilan kung bakit malaki ang gampanin ng OFW remittance sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya—ang pagderetso ng mga ito sa mga kamag-anak nila.

Bukod kasi sa ginagamit na panustos sa kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain, bahay at edukasiyon, ipinapasok ito sa bangko na dumadagdag sa pondong pinaiikot ng huli na kalauna’y gagamitin rin bilang puhunan sa mga negosyo.

“Zero dependence on remittances is probably very ambitious. In reality, overseas remittances are a significant part of a country’s economy, whether developed, developing or at any stage of economic development,” ani Edillon.

Hindi na kailangan ang makailang pagbibigay-diin o ang detalyadong pagpapaliwanag tungkol sa halaga ng remittances sa ekonomiya dahil alam kong alam ito ni Lacierda o kung sino man sa mga miyembro ng administrasiyon.

Higit pa sa malaking epekto ng OFW remittances sa ekonomiya ang dahilan kung bakit hindi dapat ipatupad ang mga hakbang ng Customs. Liban sa usapin ng pagbubuwis sa mga balikbayan boxes, mas ikinababahala ng mga OFWs at ng kanilang mga kaanak ang paraan ng pag-iinspeksiyon ng Customs na, hindi lingid sa kaalaman ng marami, may salik ng invasion of privacy at lantarang pagnanakaw.

READ
Decisions, decisions

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.