BAGO pa man maitatag ang taunang parangal pampanitikan ng Varsitarian na Gawad Ustetika, mayroon nang patimpalak-pampanitikan sa Unibersidad.

Taong 1769 nang dumating sa bansa si Fr. Salvador Llosent na naatasang panghawakan ang posisyong professorial chair of humanities ng Unibersidad. Tungkulin niyang payabungin ang mga klase ng humanidades sa UST.

Sa ilalim ng kaniyang panunungkulan, yumabong sa 220 ang mag-aaral sa humanities—ang pinakamalaking klase sa Unibersidad noon.

Anim na taon makaraan nang kaniyang pagdating, itinatag niya ang Certamen Literario (patimpalak pampanitikan) noong ika-7 ng Marso 1775 sa pista ni Santo Tomas de Aquino.

Isinagawa ang patimpalak sa publiko. Nagsilbing eksamen ang nasabing patimpalak para sa mga mag-aaral ng retorika, panitikan, humanidades at balarila.

Mahigit 100 na mag-aaral na may-alam sa panitikang Espanyol at Latin ang lumahok sa patimpalak. Pinangkat sa tatlo hanggang sampu ang mga kalahok na mayroong iba’t ibang gawain: ang ilan isinalin ang Aeneid ni Virgil; ang iba lumikha ng mga berso mula sa mga akda ni Cicero; at ang iba pa itinanghal ang Poetic Art ni Horace sa entablado.

Naitago naman sa isang koleksiyon ang mga hindi nailimbag na akda at likhang panitikan ng mga estudyante ni Llosent noong taong 1770 hanggang 1772.

Sa kasalukuyan, ang Gawad Ustetika ng Varsitarian ang pinakamatagal nang campus literary derby sa bansa na nasa ika-31 nitong taon ngayon.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasinong imigrante ang nasa likod ng pinamalaking kompanya ng canned tuna sa bansa?

Si Ricardo Sy Po, mas kilala bilang “Tuna King” o “Mr. Tuna,” ang utak sa likod ng mga delata ng Century Tuna, Argentina Corned Beef at 555 sardines.

READ
Faculty union sets up housing project

Purong Intsik si Po na nagmula sa Guanzhou China. Taong 1947 nang lumipad at nanatili sa Filipinas ang kaniyang pamilya upang makaahon sa kahirapan. Dahil tanging wikang Intsik lamang ang alam ni Po noon, puspusan ang kaniyang pag-aaral ng Ingles sa pamamagitan ng mga aklat para makapagnegosyo.

Upang mairaos ang pag-aaral ng Industrial Chemistry sa UST, pinagsabay-sabay niya ang trabaho bilang tagasalin, manunulat at mamamahayag para sa isang diyaryong pang-Intsik. Ngunit dahil sa kakapusang-palad kinailangan niyang itigil ang pag-aaral sa Unibersidad.

Ipinagpatuloy niya ang kaniyang sigasig sa pagnenegosyo hanggang sa naitaguyod niya ang Century Canning noong 1978 gamit ang hiniram na kapital na $100,000. Mula noon magpahanggang ngayon, patuloy ang paglago ng kompanya ni Po na may hawak ng 84 porsiyento ng tuna sa kasalukuyang merkado.

Taong 2010 naman nang itinatag ni Po ang Century Pacific Group-Ricardo Sy Po (CPG-RSPo) Foundation na naglalayong maibsan ang gutom sa bansa at makatulong sa mahihirap. Halos tatlong milyong pagkain ang hinahain ng foundation para sa mga kapos-palad kada taon.

Sa yamang nagkakahalagang $640 million, siya ang ikadalawampu’t limang pinakamayaman sa bansa ayon sa ulat ng Forbes Magazine sa taong 2015. Pinarangalan siya ng UST bilang Top Outstanding Thomasian Alumni noong 2007. Jasper Emmanuel Y. Arcalas

Tomasalitaan

Salimsim (PNG)-malungkot na alaala

Hal.: Sa salimsim natin naaninag ang liwanag sa dilim ng ating karansan.

Sanggunian

Villarroel, Fidel (2002). A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of Higher Education In the Philippines, 1611-2011 (Vol. II) Manila: UST Publishing House.

TOTAL Awards Souvenir Program 2007

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.