BILANG patunay sa kaniyang tema na Full Force, humigit kumulang na 60,000 katao ang kabuuang nanood, o mas higit sa 58,000 na nanood noong nakaraang taon, ng ikawalong Cinemalaya Independent Film Festival na ginanap sa Cultural Center of the Philippines, Greenbelt 3, at Trinoma noong Hulyo 20-29.

Kapansin-pansin din ang pagdami ng mga tinaguriang mainstream artists sa taong ito, katulad nina Iza Calzado, Janice de Belen, Agot Isidro, Judy Ann Santos, Eddie Garcia at iba pa.

Humakot ng mga parangal ang Diablo ni Mes de Guzman sa New Breed Category, ang timpalak para sa mga bagong direktor. Ito’y tungkol kay Nana Lusing, isang matandang biyuda na hindi makatulog dahil sa isang anino na nagpapakita sa kaniya tuwing gabi. Tanging kasama lamang niya ay ang lumang radyo na nagsisilbing paalala sa yumaong asawa.

Nakamit ng Diablo ang parangal para sa pinakamahusay na pelikula. Tinanggap ni De Guzman ang parangal sa direksiyon, samantalang ang gumanap na Nana Lusing na si Ama Quiambao ay pinarangalang pinakamahusay sa pagganap. Nakuha rin nito ang parangal sa sinematograpiya at ang Network for Asia-Pacifc Cinema (Netpac) Award, na binigay ng isang internasyonal na organisasyon bilang pagkilala sa mga independent films sa Asya.

Nagkamit ng Special Jury Prize ang Requieme! ni Loy Arcenas. Isinulat ni Rody Vera, tungkol ito sa magkakasangang istorya: ang pagpupunyagi ni Swanie (Shamaine Buencamino) at ng kaniyang pamilya na mapauwi ang bangkay ng kanilang kamag-anak na inakusahang pumatay ng isang sikat na personalidad sa Amerika, at ang pagtulong ni Joanna (Anthony Falcon), isang bakla na busilak ang puso, para maiburol ang kapitbahay na pumanaw.

READ
Tomasino, gagawing 'Beato' ng Simbahan

Pinarangalan si Kristoffer King ng pinakamahusay na pangunahing aktor para sa Oros ni Paul Sta. Ana. Gumanap siya bilang si Makoy, isang kasero sa isang saklaan na gumagamit ng bangkay upang maisagawa ang ilegal na gawain.

Mula naman sa Santa Niña ni Emmanuel Quindo Palo ang nagwagi ng pinakamahusay na pangalawang aktres na si Anita Linda. Ito’y tungkol kay Paulino Mungcal (Coco Martin) at ang pumanaw na anak na si Marikit, na higit na sampung taon nang patay ngunit ang labi’y hindi naaagnas. Kalauna’y pinaniniwalaang nakagagaling ang mga labi.

Pinarangalan ang Intoy Syokoy ng Kalye Marino para sa disenyong pamproduksiyon (Benjamin Pauyo) nito at sa mahusay na pagganap ng ikalawang aktor (Joross Gamboa). Hango sa maikling kuwento ni Eros Atalia, propesor ng Faculty of Arts and Letters, at sa ilalim ng direksiyon ni Lem Lorca, sinundan ng pelikula si Intoy, isang maninisid ng tahong na napaibig sa kaniyang kaibigan na si Doray.

Nakamit ng The Animals ni Gino Santos ang parangal sa editing (Rona delos Reyes at John Wong) habang napanalunan ng Ang Nawawala ni Maria Jamora ang parangal sa musika at Audience Choice. Pawang tungkol sa mga nakaririwasang mga kabataan ang dalawang pelikula.

Umani rin ng parangal ang Aparisyon ni Vincent Sandoval (Best Sound, Teresa Barrozo) na tungkol sa tahimik na buhay ng mga madre sa isang kulob na kumbento noong panahon ng Martial Law hanggang sa may karahasang nangyari kay Sister Lourdes (Jodi Sta. Maria).

Batikang direktor

Sa kategoryang Director’s Showcase, na patimpalak para sa mga batikang direktor, pinarangalan ang Posas ni Lawrence Fajardo bilang pinakamahusay na pelikula. Nakamit naman ni Art Acuña ang pinakamahusay na pangalawang aktor para sa kaniyang pagganap bilang pulis na siyang nakahuli kay Jess, isang kilalang magnanakaw sa paligid ng simbahan sa Quiapo.

READ
Ang pagbabalik ng dragon

Binigyan ng standing ovation si Eddie Garcia matapos siyang gawaran ng pinakamahusay na aktor para sa kaniyang pagganap bilang isang baklang retirado na naghihintay ng kaniyang kamatayan kasama ang isang inampong asong lansangan sa pelikulang Bwakaw. Ginawaran din ang pelikula ng Audience Choice at ng Netpac Award.

Pinangalanan si Raymond Red bilang pinakamahusay na direktor para sa Kamera Obskura, isang black-and-white film tungkol kay Juan (Pen Medina) na nakakulong sa madilim na piitan. Nakikita lamang niya ang labas sa pamamagitan ng isang maliit na butas sa pader. Nakuha rin ng pelikula ang parangal sa musika.

Binigay ng hurado sa ensembliya ng mga aktres ng pelikulang Mga Mumunting Lihim—sina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Janice de Belen, at Agot Isidro—ang parangal para sa pinakamahusay na pagganap.

Tinuturing na isang women’s film, umiikot ang Mumunting Lihim, na siyang unang indie film ni Jose Javier Reyes, sa isang barkada ng kababaihan at paano nabago ang lahat nang mamatay si Marie (Santos). Nakamit din nito ang parangal para sa dulang pampelikula (Reyes) at editing (Vanessa de Leon).

Nakamit ng Kalayaan, ang pelikula ni Adolfo Alix, Jr. tungkol sa Spratlys, ang mga parangal para sa disenyong pamproduksiyon, sinematograpiya, at tunog.

Maiikling pelikula

Sa patimpalak sa maikling pelikula, itinanyag ang Victor ni Jarell Serencio na pinakamahusay na pelikula. Kinuwestiyon nito ang gawi ng mga penitente tuwing Semana Santa na pagpapapako sa krus.

Natanggap naman ng Manenaya ni Richard Legaspi ang Special Jury Prize. Ito’y tungkol sa isang balo na naghahanap ng hustisya para sa asawang napaslang sa alitang politikal.

READ
Faculty Union, umalma sa 'K to 12'

Si Sheron Dayoc ang itinanghal na pinakamahusay na direktor para sa kaniyang As He Sleeps, na umiikot sa isang babae at ang kaniyang seksuwal na pangangailangan na hindi matugunan ng paralitikong asawa.

Natanggap ng Ruweda ni Hannah Espia ang Audience Choice. Ito’y tungkol sa isang lasing na lalaki na nakapulot ng mamahaling singsing habang siya ay pauwi.

Nakamit ng Ang Paghihintay sa Bulong ni Sigrid Andrea Bernardo ang parangal para sa sinematograpiya.

Ani Nestor Jardin, tagapamahala ng Cinemalaya Foundation, Inc., nais ng komite na sa mga susunod na pagtitipon ay madagdagan pa ang mga sinehan para sa pagtatanghal ng mga pelikula na kasali sa pista.

Sinabi naman ni Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura at hurado ng Cinemalaya ngayong taon, na makitid ang mundong nasasalamin sa komersiyal na mga pelikula. Idinagdag niya na mas makatotohanan ang paglalahad ng realidad sa pelikulang malaya. John Joseph G. Basijan, Romina Louise C. Cunanan, Christopher B. Enriquez, Maria Arra L. Perez, Brylle B. Tabora, at Nikka Lavinia G. Valenzuela

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.