ISANG taon na ang nakalilipas mula nang huli akong magpunta sa Sitio Lupang Pangako, Payatas. Noon ay katatapos lamang ng pagguho ng isang bahagi ng bundok ng basura dahil sa bagyo.
Nakapanayam ko noon ang ilan sa mga biktima ng malawakang trahedya sa sinisilungan nilang Lupang Pangako Elementary School. Sa pakikipag-usap ko sa kanila, nakita ko ang kabiguang dala ng mga gumuhong pangarap na bunga ng mga pangakong hindi natupad. At sa muli kong pagpunta roon, baon-baon ko ang pag-asang nagkaroon na ng malaking pagbabago sa kanilang kalagayan.
Pagkatapos ng isang oras na biyahe sakay ng bus, kalahating oras pa ang kailangang bunuin sa dyip bago marating ang Payatas Phase 1.
Sa pagdating namin doon ng aking mga kasama, sinalubong kami ng amoy ng nabubulok na basura at ingay ng mga taong labas-masok sa palengke ng Payatas na madaraanan bago marating ang mismong tambakan ng basura.
Inabutan namin sa tambakan si Aling Lydia, 30, may asawa, at dalawang anak. Karga-karga niya ang bunso niyang anak. Samantalang nagla_laro naman sa tabi niya ang kanyang panganay kasama ang iba pang mga batang sanay na sa mabahong amoy ng tambakan ng basurang itinuring na nilang palaruan. Kaagad ko siyang nilapitan upang tanungin tungkol sa kalagayan ng mga naninirahan doon.
Dalawang taon pa lamang na naninirahan ang pamilya ni Aling Lydia sa Payatas. Hindi naman talaga sila naapektuhan ng naganap na trahedya dahil malayo ang kanilang bahay sa gumuhong bahagi ng bundok ng basura. Sa kabila nito, nakatanggap pa rin sila ng kaunting tulong mula sa pamahalaan.
Ayon kay Aling Lydia, pinamahagian sila ng bigas, noodles, sardinas, damit, at gamot ng pamahalaan at ng mga non-governmental organization. Nakatanggap din ng pera ang mga naiwang pamilya ng mga nasawing biktima.
“`Yung iba nabayaran. Isang tao, kapag namatay, P15,000,” kuwento pa niya.
Ngunit ayon pa sa kanya, ilang buwan na ang nakalilipas mula nang nahinto ang lahat ng ito.
Naikuwento rin ni Aling Lydia ang paglipat ng ilang taga-Payatas sa Montalban, Rizal. Ngunit aniya, marami ang bumabalik sa Payatas dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan at trabaho sa nasabing relocation site. Tanging ang bahay na kanilang lilipatan lamang ang madaratnan sa lugar at wala nang iba.
“Marami pang ayaw lumipat kasi dito sila kumikita. Dito sila nabubuhay,” dagdag pa ni Aling Lydia.
Kung siya naman ang tatanungin, gusto niyang makita muna ang lugar na lilipatan bago sila dalhin doon.
“Kailangang makita muna namin ang lugar. Ano ang kakainin namin du’n? Kung malayo sa trabaho, saan kami pupunta? S’yempre dito rin,” wika niya.
Sa tabi ng tambakan, nakakumpol ang isang grupo ng mga kalalakihan at kasama rito si Leo Cabrera, 42.
Ayon sa kuwento ni Mang Leo, marami pa ring mga bangkay ang hindi pa nakukuha mula sa ilalim ng nakatambak na basura.
“Maraming namatay. Marami pang hindi nakukuhang mga bulok (na bangkay),” aniya.
Marami rin siyang kaibigan at kakilalang nasawi sa naganap na pagguho ng basura noong Hulyo 10, 2000. Ngunit sa kabila ng pagkamatay ng mahigit 300 katao, wala pa ring takot na makikita kay Mang Leo sa kanyang patuloy na pangangalahig o pamumulot ng basura.
Ayon sa kanya, kumikita siya ng P75 hanggang P100 sa loob ng isang araw na pangangalahig. Pinagkakasya na nila iyon ng kanyang asawa at dalawang anak. Nasa unang baitang sa elementarya ang panganay niya, samantalang hindi pa pumapasok sa eskuwela ang kanyang limang taong gulang na bunso.
Dating taga-Ermita, Maynila at photographer sa Luneta Park si Mang Leo. Lumipat sila sa Payatas nang makakita ng libreng lupa na mapagtatayuan ng kahit isang maliit na kubong matitirhan. At sa kabila ng panganib, wala nang balak bumalik sa Maynila si Mang Leo.
“Dito hindi ka mangungupahan. Doon, uupa ka pa. Dito na lang (kami), parehas lang naman,” aniya.
Tulad ni Aling Lydia, ayaw din niyang lumipat sa relocation site sa Montalban, Rizal. “Walang hanapbuhay du’n,” dagdag pa niya.
Pagkatapos ng pakikipanayam kay Mang Leo, tinungo naman namin ang Payatas Phase 2. Iniwan namin si Mang Leo at ang kanyang mga kaibigang nagpapalipas ng kanilang oras sa pagkukuwentuhan sa tabi ng tambakan.
Nagsimula nang kumulimlim ang paligid nang marating namin ang lugar sa pamamagitan ng traysikel. Doon namin nakilala si Gng. Ludivina Songsod. Tatlong taon na ang nakararaan nang magretiro siya bilang guro sa Ramon Magsaysay Elementary School, Laloma.
Sampung taon nang naninirahan sa Payatas si Gng. Songsod. Ayon sa kanya, noong bagong lipat pa lamang sila ng kanyang pamilya, wala pa ang bundok ng basura. Idinagdag pa niyang bunga ng kapabayaan ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng bundok ng basura na siyang naging dahilan ng pagguho nito noong nakaraang taon.
“Kulang sa supervision. Kung maayos ang pagtatapon ng basura, hindi siguro nangyari ‘yun,” wika niya.
Bukod dito, marami pang hinaing sa lokal na pamahalaan at sa administrasyong Arroyo si Gng. Songsod.
“Ang tulong lang na nagawa ng Quezon City ay ang pagbibigay ng P15,000 per head sa mga nakuha at na-identify na bangkay. Papano ‘yung iba? Kawawa ‘yung ibang pamilya,” aniya.
Masama rin ang loob niya sa patuloy na pagtatapon ng basura sa kanilang lugar.
“Marami na ang residenteng nakatira rito pero panay pa rin ang pagtatapon nila,” wika niya.
Sa kabila nito, naniniwala pa rin siyang magkakaroon ng katuparan ang mga pangako ng pamahalaan. Umaasa pa rin siyang balang-araw, maaayos din ang lugar nila at tuluyan ding maibibigay ang titulo ng kanilang lupa.
“Hinihintay namin na ibigay ang lupa sa amin. Kahit hindi na ibigay, babayaran na lang namin ng medyo mababa,” dagdag pa niya.
Hindi rin naniniwala si Gng. Songsod na ang paglilipat sa kanila sa relocation site ang solusyon sa kasalukuyan nilang kalagayan.
“Kung titira man kami sa ibang lugar na di naman maganda ang sitwasyon, magtitiis na lang kami dito,” aniya.
Para sa kanya, kailangan lamang ayusin ang gumuhong basura at humanap ng ibang lugar na maaaring mapagtapunan ng basura upang maging maayos ang lahat.
Makikita rin ang patuloy na pagsuporta ni Gng. Songsod sa pamahalaan sa patuloy niyang paniniwala sa kapangyarihan ng kanyang boto. Aniya, handa siyang makipagtulungan sa kahit na sinumang nakapuwesto.
“Maghihintay kami sa pangako. `Wag lamang sanang mapako,” ani ni Gng. Songsod.
Nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan bago pa man natapos ang pakikipag-usap namin kay Gng. Songsod. Dahil dito, inanyayahan niya kaming sumilong muna sa loob ng kanilang bahay.
Lumakas nang lumakas ang pagbuhos ng ulan ngunit wala akong mabakas na pangamba sa mukha ni Gng. Songsod. Sanay na raw siya sa ganoon. Nang tumila ang ulan, kaagad kaming bumalik ng aking mga kasama sa UST baon ang mga kuwentong-Payatas.
Habang binabalikan ko ang karanasan kong ito, namamangha ako sa tibay ng sikmura at lakas ng loob ng mga taga-Payatas. Nauunawaan ko rin kung bakit ayaw nilang umalis sa Lupang Pangako.
Kamakailan lamang, nabasa ko sa isang pahayagan ang mga suliraning kinahaharap ng lugar kung saan sila dadalhin. Madumi at hindi regular ang suplay ng tubig sa Montalban, Rizal. Naiulat din na 72 bahay sa nasabing relocation site ang direktang nakatayo sa Marikina faultline. Bakit nga naman gugustuhin ng mga taga-Payatas na lumipat sa isang lugar na mas malala pa sa kinalalagyan nila ngayon?
Bukod sa problema sa kaligtasan at kalusugan, ang kawalan ng matinong hanapbuhay ang maituturing na pinakamalaking suliranin na kailangang harapin at bigyang-solusyon ng pamahalaan.
Sa kabila nito, nakatutuwang isipin na hindi pa rin tuluyang bumibitiw sa paniniwala sa pamahalaan ang mga taga-Payatas. Tuloy ang buhay para sa kanila. Ngunit hindi nila ikinakailang kailangan nila ang tulong ng gobyerno.
Sana ay huwag nang hayaan ng lokal na pamahalaan at ng administrasyong Arroyo na lumipas ang isa pang taon at maganap ang isa pang trahedya bago nila tugunan ang mga hinaing na ito. Sayang naman ang oras ng iginugol ng mga taga-Payatas sa muling pagbuo ng kanilang mga pangarap kung guguho rin lang naman pala itong muli.