SA LOOB ng halos apat na dantaon ng Unibersidad, tatlo ang wika na nagsilbing katuwang nito sa pagpapalaganap ng kaalaman sa iba’t ibang larangan.
Sa pagsakop ng Espanya sa Pilipinas, naging Español ang kauna-unahang wika na ginamit sa mga kurso sa UST. Dahil dito, nakamit ng Unibersidad ang titulong Royal University na iginawad ni Haring Charles III ng Espanya noong 1785. Ang wikang ito ay ginamit sa buong UST hanggang 1920.
Nang dumating ang mga Amerikano, umusbong ang problema ng Unibersidad nang dumami ang mga mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan na wikang Ingles ang ginagamit. Hindi naging madali para sa mga propesor ng Unibersidad at maging sa mga estudyante ang pagkakaroon ng bilingual situation. Dahil dito, iminungkahi ni Fr. Manuel Arellano, O.P. rektor ng UST, ang ilang mga pagbabago sa ginagamit na wika noong 1923.
Sa simula ng taong pang-akademikong 1923-1924, Ingles na ang ginagamit sa lahat ng klase. Inasahang ang mga propesor na handa sa pagbabagong ito at kung hindi ay kailangan nilang magsadya sa administrasyon. Dahil kaunti lang ang marunong gumamit ng wikang Ingles, naghanda ang administrasyon ng isa pang alituntunin ukol sa nasabing problema. Ang mga propesor ay pinayagang magtanong sa wikang Español samantalang maaaring sumagot sa wikang Ingles ang mga estudyante. Nang lumaon, lumaganap din ang wikang Ingles.
Samantala, naging adhikain ni Pangulong Manuel L. Quezon ang pagkakaroon ng sariling wika ang Pilipinas. Noong ika-4 ng Hulyo 1940, opisyal na ipinatupad ng Batas Komonwelt Bilang 570 ang wikang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa na tatawaging Filipino. Kaugnay nito, maraming programa ang isinagawa sa pagpapaunlad ng wika.
Mula ng taong pang-akademikong 1940-1941, sapilitan ang pagtuturo at paggamit ang pambansang wika. Hindi naging madali sa Unibersidad ang pagbabagong ito. May ilang propesor pa rin ang gumagamit ng wikang Ingles sa klase kahit na laganap na ang paggamit ng wikang Filipino.
Sa ngayon, itinuturo pa rin ang wikang Español gayundin ang iba pang wika gaya ng Pranses at Niponggo. Samantala, nanatili ang dalawang wika bilang language of instruction sa buong Unibersidad, ang wikang Filipino at Ingles.
Tomasalitaan
Dalumat (pangngalan)- malalim na pag-iisip, pagmumuni, paghahaka.
Bakas sa kanyang mga kilos ang malimit na pagdalumat sa tuwing nag-iisa.
Sanggunian
I Walked with 12 UST Rectors ni Norberto V. de Ramos