SA pamamagitan ng malikhaing pagkatha, inilapit ni Mayette Bayuga ang urbanidad sa malumanay na alon ng dalampasigan, sa mga mahihiwagang kuweba, sa tuktok ng bulubundukin, sa pusod ng kagubatan, sa mga liblib na bayan-bayanan at sa mundong hindi pa nasisilayan ng sangkatauhan.

Sa bagong limbag na koleksiyon ng mga dagli at maikling kuwentong pinamagatang “Babae, sa Balumbalonan ni Hakob at iba pang mga Kuwento” (UST Publishing House, 2015), ibinalik ni Bayuga ang mga mambabasa sa panahon kung kailan tanging ang impluwensiya lamang ng kalikasan ang namamayani sa damdamin at paniniwala ng mga Filipino.

Napapanahon ang mga kathang tulad ng “Luli” at “Kambal” na marahang pinag-isa ang modernong ideolohiya at mapamahiing paglalahad ng sinaunang taumbayan ukol sa mga kapre, duwende, tikbalang at mga mitong nakalimutan na.

Binuhay muli ni Bayuga ang mga kuwentong-bayang matagal nang yumao sa tinig ng mga nanay habang ipinaghehele ang kanilang mga anak. Naungkat din maging ang Alamat ng Kawayan at ang mga hiwagang nagaganap sa ilalim ng bilog na buwan.

Mahusay na kathang pambungad ang dagling “Siya” upang ihanda ang mambabasa sa paglalakbay sa kagila-gilalas na mundo ng imortalidad.

“…Minsan, naisip niyang mamatay para maayos ang kaniyang buhay. At hindi nga lang sanlibo’t isang ulit siyang namatay. Sa dami’y ‘di na niya mabilang…”

Sa paglipat ng pahina, itinawid naman niya ang mambabasa sa “Isla Real” na nababalot ng natatanging misteryo.

Sa “Heredero ng Tribo Hubad sa Isla Real,” nakaeengganyo ang paglalahad ng may-akda sa pagtuklas ng pangunahing tauhang si Emiliano Ricafrente sa katotohanang nakakubli sa isla na para bang isinasali ang mambabasa sa bawat eksena.

READ
Simple wishlist

Pinagtagpo ng kuwentong ito ang malawak na agwat ng siyensya at mitolohiya sa pamamagitan ng pagbanggit ng makabagong teknolohiya na siya mismong ginamit ng mga tauhan sa pagbuwag ng hiwaga.

Ang tema ng “pagpili” ng kalikasan sa mga kakalinga rito ang kaisipang namamayani sa ilang akda ni Bayuga lalo na sa kuwento ni Divina de Villa na isang nars sa bayan ng Matilam-tilam.

Sinasalamin ng akda ang matuling pagbabago ng mukha ng Filipinas gamit ang mga metaporang inihambing sa bawat dekadang lumipas. Nagsimula sa awit ng The Beatles, pagdeklara ng Martial Law, pagsikat ng “P.S. I Love You” ni Sharon Cuneta, pag-ulan ng dilaw na laso sa EDSA, hanggang sa pagsikat ni Madonna at pag-usbong ng bagong karamdamang tinawag na HIV-Aids.

Si Divina ang ginamit ni Bayuga na sagisag ng ugat ng pinagmulan; ng bulong ng kalikasan. Sa panahong nagbago na ang lahat, siya lamang ang nananatili at patuloy na bumabalik sa kaniyang kahapon.

Sa “Babae, sa Balumbalonan ni Hakob” naman, kahanga-hanga ang kabalintunaang paggamit ng makabagong estilo ng pananalita sa pagsasalaysay ng mga lumang kuwento ng Bundok Kamalayan. Dito, pinagtagni-tagni ang mga kuwentong biblikal, aral ng Simbahan, katutubong paniniwala at modernong pamumuhay.

“…Sa konsepto ng Kamalayan, pag marami kang buhat, hindi ka pa handang harapin ang iyong Tagapaglikha dahil balot ka ng kamunduhan…”

Naging matagumpay na pagpapaalala ang koleksiyon ni Bayuga na sa gitna ng modernisasyon, marapat pa ring lumingon sa pamana ng ating mga ninuno.

Marikit niyang hinabi ang mga hibla ng kasaysayan sa isang marilag na pagkakatha upang panandaliang isantabi ng mambabasa ang sigaw ng materyalismo at muling pakinggan ang huni ng kalikasan.

READ
UST Museum opens papal visit exhibit

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.