TATLUMPUNG taon na ang nakalipas nang magmartsa ang humigit-kumulang 1,500 Tomasino sa Epifanio de los Santos Avenue (Edsa) kasama ang milyun-milyong Filipino para sa masidhing layuning pabagsakin ang rehimeng Marcos at tuldukan ang mahabang panahon ng kadiliman sa ilalim ng batas militar.
Sa pamumuno ng mga paring Dominikano, nakilahok ang mga guro, empleyado at mga mag-aaral ng Unibersidad sa mapayapang rebolusiyon na nagtagal mula ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero, 1986.
Ilan lamang sina Fr. Frederick Fermin, O.P., Fr. Tereso Campillo O.P, Fr, Fausto Gomez O.P., Prop. Emmanuel Galang at Alexander Tagaro sa mga nanguna sa pagsunod ng mga Tomasino sa panawagan ni Jaime Cardinal Sin, Arsobispo ng Maynila noon, sa Radyo Veritas. Pinangangasiwaan ng Simbahang Katolika ang naturang istasyon ng radyo na may regular na programa ukol sa ebanghelisasiyon at pagpapakatao.
Hiniling niyang magtungo ang lahat sa Kampo Krame at Kampo Aguinaldo upang suportahan sina Defense Minister Juan Ponce Enrile at Lt. Gen. Fidel Ramos na kapuwa tumiwalag sa administrasiyon.
Mga seminarista at mga mag-aaral na kabilang sa Thomasian Alliance for Civil Disobedience (Tacid) at Koalisiyon ng mga Tomasino Laban sa Pandaraya at Terorismo (Katapat) ang bumuo sa karamihan ng mga Tomasinong tumugon sa panawagan ng Simbahan.
Napabantog na ang Tacid at Katapat bago pa man ang Edsa Revolution dahil sa paghikayat nila sa mga negosyanteng huwag magtinda ng mga produkto ng San Miguel Corp., na pag-aari ni Eduardo “Danding” Cojuangco na malapit kay Ferdinand Marcos.
Gampanin ng Simbahan
Kalakip ng paghanga ng buong mundo sa pagmamahal ng mga Filipino sa demokrasiya ang pagpapakita ng Simbahan ng bago nitong gampanin bilang tagapagtaguyod ng pandaigdigang kapayapaan, katarungan at kalayaan, alinsunod sa Vatican II na naglayong ibahin ang pagkakakilanlan ng Simbahan bilang pawang relihiyon lamang.
Sa pangunguna rin ni Fr. Fermin, ang ikalawang Filipinong rektor ng UST, at ng iba pang paring Dominikano, nakilahok naman ang humigit-kumulang 500 Tomasino sa ginanap na “Tagumpay ng Bayan” na pagtitipon noong ika-16 ng Pebrero, bilang pagpoprotesta laban sa deklarasyon ng Batasang Pambansa na si Marcos pa rin ang nanalo sa maanomalyang snap elections noong ika-7 ng Pebrero.
Sa nasabing halalan naging napakahalaga ng tungkulin ng Simbahan bilang tagapagbantay ng boto ng sambayanan. Magdamag ibinalita ng Radyo Veritas ang mga kaganapan sa pagboto, maging ang mga iregularidad nito.
Maliban sa mga pampublikong padasal noon, umapela rin ang kaparian sa pamahalaan ng karagdagang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) volunteers na tinawag naman ni Cardinal Sin na “men of peace.”
Tomasino Siya
Tomasino ang isa sa mga personalidad sa likod ng pagpigil sa diktaturya at pangangalaga sa demokrasiya ng mga Filipino noong rehimeng Marcos.
Pinarangalan ng Unibersidad si Roberto Concepcion ng isang doktorado, honoris cause, noong ika-28 ng Pebrero, 1986 dahil sa kaniyang husay sa akademiya at katapatan sa paglilingkod sa bayan bilang alagad ng batas.
Siya ang nakaupong Kataastaasang Hukom ng Korte Suprema nang pagdebatihan ang mga kaso hinggil sa ratipikasiyon ng Saligang Batas ng 1973 sa ilalim ng administrasiyong Marcos.
Ang bagong konstitusiyong ito ang nagbigay-daan sa pagpapahaba ng termino ni Marcos bilang pinuno ng bayan at nagpatuloy sa diktaturya sa pamahalaan.
Hindi ito sinang-ayunan ni Concepcion subalit nangibabaw ang boto ng karamihan sa mga hukom na pabor sa administrasiyon.
Taong 1924 nang magtapos si Concepcion ng Bachelor of Laws sa Unibersidad bilang summa cum laude at nanguna sa bar exams ng kaparehong taon. Siya ang unang Tomasino sa kasaysayan ng Bar na pumanguna sa eksamen.
Noong 1929, naging Assistant Attorney siya sa Bureau of Justice bago naging dekano ng Faculty of Civil Law noong 1948 hanggang 1950. Nagsilbi siya bilang associate justice ng Korte Suprema noong 1954 bago naging punong hukom. Isa siyang eksperto sa Saligang Batas at isa sa mga naging pinuno ng Civil Liberties Union. Bernadette A. Pamintuan
Tomasalitaan
Tagibas (PNG)—paglakad nang mabilis mula sa kinalalagyan patungo sa ibang bahagi
Hal.: Hindi inalintana ni Mayette ang pagkadapa at pagkahapos sa gitna ng tagibas ng libu-libong mananampalataya ng Nazareno.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo LVII Blg. 12, Marso 8, 1986
Facts about Roberto Concepcion (2014). Philippine Daily Inquirer, Nakuha mula sa http://newsinfo.inquirer.net/608985/did-you-know-roberto-concepcion