NOONG 1941, ibinibida ang husay at galing ng mga Tomasino sa paggamit ng baril at riple sa isang kompetisyon ng pagbaril bilang bahagi ng pagdiriwang ng University Day o ng anibersaryo ng pagtatalaga ni Santo Papa Innocent X sa Colegio de Santo Tomas bilang isang Unibersidad.

Pinangunahan ng Department of Military Science and Tactics ang patimpalak. Ang mga alintuntunin nito ay ang sumusunod: una, kailangang nakatayo ang mamamaril; ikalawa, may karapatang mamili ang kalahok kung riple o pistol ang nais niyang gamitin; ikatlo, kailangang mataaman niya ang bull’s eye.

Limampung sentimos ang gantimpala sa mga makatatama sa bull’s eye.

Samantala, wala namang limitasiyon sa bilang o dami ng beses ng pagtatangka ng pagbaril. Babalikatin lamang ng kalahok ang bayad sa lahat ng kaniyang magagamit na amunisiyon.

Isang Antonio Olegario ang nakapukaw sa atensiyon ng marami. Si Olegario ang hinirang na topnotcher sa nasabing patimpalak sapagkat anim na beses niyang tinamaan ang bull’s eye, gamit ang riple.

Paraan umano ng pagpapaalala ng kahalagahan ng kahusayan sa pagbaril ang ganitong uri ng patimpalak, partikular na sa mga kadete ng Unibersidad.

Isinagawa ang nasabing kompetisiyon noong ika-14 ng Nobyembre 1941.

Tomasino Siya

Sa tagal niya sa kaniyang propesyon, malinaw na pinapatunayan ni Antonio Say ang angking kalinangan sa larang ng optalmolohiya.

Isa si Say, dalubguro sa UST Faculty of Medicine and Surgery (UST-FMS), sa mga kinikilalang pinakamagaling na optalmologo sa buong bansa.

Taong 1976 nang magtapos siya ng medisina sa Unibersidad, kalaunan nanilbihan siya bilang optalmologo sa UST Hospital. Noong 1983, nagsimula siyang magturo sa UST.

Nagawa niyang pagsabayin ang pagtuturo sa Unibersidad at ang paninilbihan bilang pinuno ng UST Department of Opthalmology at Cataract Refractive Surgery Section ng UST Eye Center.

Sa kasalukuyan, nakaluklok bilang permanenteng board examiner sa Philippine Board of Opthalmology at puno naman ng Department of Opthalmology sa Cardinal Santos Medical Center.

Matapos ang mahigit 32 taon ng pagtuturo sa UST-FMS, nagretiro na ngayong taon si Say.

Tomasalitaan

Kilapsaw (PNG) – hampas ng maliliit na alon mula sa pagbagsak ng anumang bagay sa tubig.

Hal.: Mula sa tabing-ilog, nakatutuwang pagmasdan ang isa-isang paghinahon ng mga kilapsaw.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.