MAAARING gamitin ang teknolohiya sa pagpapalawak at pagpapayabong ng sinaunang kultura ng Filipinas, mungkahi ng mga opisyal mula sa Google Philippines.

Kasama na sa “Google Keyboard” o Gboard ang ilang sinaunang panulat ng Filipinas katulad ng Baybayin, Buhid, Tagbanwa at Hanunuon.

Ayon kay Mervin Wenke, pinuno ng Communications and Public Affairs ng Google Philippines, mahalagang maisama ang wika sa pagbabago ng teknolohiya.

“[K]ailangan natin itong alalahanin at gamitin. Hindi man bilang pangunahing wika at paraan ng pagsasalita, magamit man lamang sa ilang okasyon, espesyal na mensahe o maging sa sining,” wika ni Wenke sa pagtatapos ng selebrasyon ng Buwan ng Wika sa Bonifacio Global City sa Taguig noong ika-29 ng Agosto.

Dagdag pa niya, dahil madalas ang mga Filipino na gumamit ng makabagong telepono, malaking hakbang na maisama ang wika sa mga modernong imbensiyon, upang maipakita ang kultura ng Filipinas sa buong mundo.

Binigyang-diin naman ni Gabby Roxas, pinuno ng Marketing Department ng Google Philippines, na mahalaga rin na mayroong pagsasalin ng mga wika sa teknolohiya.

Kasama na sa Gboard ang wikang Central Bikol, Koronadal Blaan, Rinconada Bikol, Chavacano, Cebuano, Capiznon, Cuyonon, Hiligaynon, Ilocano, Itawit, Kankanaey, Kinaray-A, Maguindanao, Maranao, Pangasinan, Kapampangan, Tausuga at Waray.

Napabilang naman ang wikang Cebuano sa “World Lens,” isang feature sa Google Translate kung saan maaaring makapagsalin ng mga poster o karatula na nasa ibang wika sa pamamagitan lamang ng camera ng cellphone.

Wika ni Taipan Lucero, isang advocate ng Baybayin, maaari ring gamitin ang teknolohiya sa pangangalaga ng kultura ng pagsusulat ng mga ninuno sa pamamagitan ng pag-uukit ng mga sinaunang panulat ng Filipinas.

Sa tala ng Komisyon sa Wikang Filipino, mayroong 130 na wika sa Filipinas at limang katutubong wika na maituturing na patay.

Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang taong 2019 bilang International Year of Indigenous languages. may ulat mula kay Arianne Maye D.G. Viri

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.