SA PAGITAN ng mga pahina ng kasaysayan ng Unibersidad, matatagpuan ang mga sagisag na naging mukha nito sa loob at labas ng institusiyon sa mga nagdaang siglo.

Ang insigniya ng Unibersidad ang nagsisilbing pagkakakilanlan nito sa mga opisyal na dokumento at transaksiyong kinabibilangan nito. Bago pa man ang kasalukuyan nitong bersyon, dumaan na sa labintatlong pagbabago ang mga sagisag na pumapaloob dito.

Taong 1619 nang ilunsad ang unang selyo ng Unibersidad. Binubuo ito ng mga sagisag ng tala, araw at krus na Dominikano, na mas simple kung ihahambing sa mga simbolong taglay ng mga sumunod na bersyon.

Matatagpuan ang ilan sa mga halimbawa nito sa ikalawang bersyon na nagtagal mula 1775 hanggang 1854, kung saan nakalapat ang imahe ng anghel bilang sagisag ng Diyos at aklat na nagpapahiwatig ng mga larang na itinataguyod ng Unibersidad. Sa bersyon namang ginamit mula 1828 hanggang 1856, nakapailalim sa sagisag ng araw ang imahe ng aso na sumisimbolo sa katapatan.

Bilang pag-alala sa natatanging paggawad ng titulong Pontifical sa Unibersidad, taglay naman ng selyong ginamit noong 1868 hanggang 1935 ang sagisag ng Vatican. Makikita sa gawing kanan nito ang simbolong Royal na nagpapahiwatig ng pagkasailalim ng Unibersidad sa mga Kastila.

Sa nakaraang selyo na sinimulang gamitin noong 1983, matatagpuan ang sagisag ng Papal Tiara sa kanang itaas para muli sa titulong Pontifical ng UST, imahen ng leon sa gawing kaliwa na hango sa sagisag ng Espanya, sea lion sa ibabang kaliwa na hango sa lumang sagisag ng Maynila at rosas sa kanang baba bilang simbolo ng Birheng Maria.

Taong 2011 nang huling baguhin ang selyo, kung saan dinagdagan ng titulo ng Unibersidad ang nakaraang bersyon matapos magpulong ang Council of Regents noong ika-18 ng Hunyo hinggil dito..

Naging mainit na paksa sa pagitan ng mga Tomasino ang naturang pagbabago sa selyo. Nagsimula ito nang ipaskil sa Facebook page na “UST Quadri” ang bagong disenyo. Mungkahi ng ilang Tomasino, mas simple at kaiba ang nakaraang bersyon kung saan walang nakalapat na titulo ng Unibersidad sa paligid ang selyo.

Sa isang panayam sa Varsitarian noong 2011, ipinaliwanag ni Padre Florentino Bolo, Jr., O.P., dating punong kalihim ng Unibersidad at nagpapamalakad sa “UST Quadri,” mas makikilala ang Unibersidad sa labas ng bansa sa ganitong paraan, na angkop lamang ang kawalan ng kumpletong pangalan nito sa selyo kung sa loob ng bansa ito pag-uusapan.

Sa kasalukuyan, patuloy na ginagamit ang bagong selyo sa mga transaksiyon sa Unibersidad.

Tomasino Siya

Hindi kailanman hadlang ang kakapusang materyal at pinansyal upang maging instrumento ng pagmamalasakit sa kapuwa.

Pinatunayan ito ni Maria Luisa Ticzon-Puyat nang kilalanin siya bilang “Superhero of Asia” ng Music Television (MTV) Asia noong Abril 1998 para sa kaniyang makabuluhang ambag sa pagtataguyod ng Lingkod ER Foundation—isang organisasiyong naglalayong tugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga mahihirap na pasyente sa emergency room.

Nagtapos si Puyat ng kursong biyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila at kalaunan, nagpatuloy ng pag-aaral ng medisina sa Unibersidad.

Nasa ikalawang taon sa medisina si Puyat nang tumanggap siya ng 5,000 dolyar mula sa nasabing pagkilala. Dumiretso ang lahat ng ito sa pondo ng Lingkod ER.

Sinimulan ni Puyat ang naturang adbokasiya sa UP at nagsisilbi bilang volunteer sa Philippine General Hospital (PGH). Noong 1997, kasabay ng pagpapatuloy niya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas, bumuo siya ng sangay ng Lingkod ER Foundation sa tulong ng iba pang mga Tomasino. Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng photo exhibit, awareness campaign at iba pang mga gawain, nakapangalap ng donasiyon ang kanilang pangkat.

Naging mainit ang pagtanggap sa naturang organisasiyon sa loob at labas ng Unibersidad. Sa katunayan, isa ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (na bise presidente pa lamang noon) sa mga naging tagasuporta nito. Personal na inanyayahan ni Arroyo ang mga kabataan na suportahan ang Lingkod ER sa isang pagtitipong pinangunahan ng organisasiyon noong Oktubre 1998.

Sa kasalukuyan, nananatiling aktibo ang operasiyon sa Lingkod ER – UST Chapter bilang isang kinikilalang organisasiyon sa buong Unibersidad.

Patuloy na namamayagpag sa larangan ng medisina, partikular na sa dermatolohiya, ang pangalan ni Puyat.

Tomasalitaan

Nagunamgunam (PND) – napag-isip-isip; napagtanto

Hal.: Habang pinanonood ko ang mga nag-uunahang patak ng ulan, nagunamgunam kong kaya mo ring umalis sa buhay ko nang ganoon kabilis.

Mga sanggunian

The Varsitarian: Tomo LXXIV Blg. 11, Hunyo 6, 2002; 1998-2002, p.1066

Villaroel, F. (2012) A History of the University of Santo Tomas. Manila: University of Santo Tomas Publishing House

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.