MAHIRAP maligaw kung wala ka naman talagang patutunguhan. Iyong naglalakad ka lang, nagpapalipas ng oras hanggang marating ang destinasyon na hindi mo naman alam kung saan o kung posible man lang bang matagpuan. Iyong naglalakad ka lang, nagpapalipas ng oras hanggang magkaroon ng kasagutan ang mga tanong na matagal nang bumabagabag sa isipan.

Mula pagkabata, palagi na akong naliligaw. Palaging akong nasa maling lugar, maling oras, maling panahon at maling pagkakataon. Palagi akong naliligaw sa paghahanap ng patutunguhan. Palagi akong naliligaw sa paghahanap ng mga sagot sa kung bakit ba ako naririto sa mundong ito, kung ano ba talaga ang silbi ko at kung mayroon ba talaga ako nito.

Kaya naman nang matagpuan ko ang aking sarili sa tapat ng room 105 ng Tan Yan Kee (TYK) para kumuha ng application form ng Varsitarian, alam kong naligaw na naman ako. Hindi ko alam kung ano ang maibabahagi ko sa pagsusulat sa diyaryo gayong Asian Studies ang kurso ko at sadyang marami akong readings at research papers na higit na kailangan pagtuunan ng pansin. Hindi ko rin naman pangarap ang maging mamamahayag o maging manunulat, tinalikuran ko pa nga. Marami pa akong ibang kailangan gawin. Ngunit may kakaibang hiwagang dala ang mga salaming durungawan ng TYK. Tila may tinig na tumatawag sa akin tuwing mauupo ako sa mga bangko sa harap ng aklatan at masusulyapan ko ang room 105. Kaya naman kahit mali ang oras, ang lugar, ang panahon at ang pagkakataon, wala akong nagawa, tuluyan akong naligaw at sumali sa Varsitarian.

Bagaman hindi ko masasabing naging madali ang aking pananatili sa publikasyon nang dalawang taon, taas noo ko namang masasabi na rito ko natutunan ang maraming bagay na lubos kong ipinagpapasalamat—ang tunay na kahulugan ng mga salitang kaligayahan, pananagutan, pagtitiwala, pagtanggap at pakikisama.

READ
Mga samahang relihiyoso sa USTe

Sa Varsitarian ko natutunan ang pagpapahalaga, at sa pinakaunang pagkakataon sa buhay ko, nagkaroon ako ng isang bagay na ayaw kong mawala kahit pa alam kong hindi ko ito pag-aari sapagkat dito ko natagpuan ang aking sarili. Isang patunay na sa wakas, may narating ako, may dahilan ang pananatili sa mundo at may silbi na maaaring ipagmalaki. Nagpapasalamat akong hindi ako nito sinukuan kahit pa ilang ulit ko ito sinubukan talikuran.

Ang pagpasok sa Varsitarian ang pagkawalang hindi ko pagsisisihan sapagkat naririto ang mga alaalang palagi kong nanaising sariwain at balikan. Isang mahiwagang pagkawala na nagdala sa akin sa masayang mundong hindi ko sinasadyang matagpuan.

Kaya naman ngayong dumating na ang panahon ng aking paglisan mula sa samahan na nagsilbing kanlungan, walang pighati at pag-aatubili akong lalabas sa room 105 upang magbigay daan sa pagdating ng iba pa, sapagkat hindi dapat sinasarili ang isang magandang karanasan tulad ng Varsitarian.

Sa lahat ng mga tao sa opisina na nakilala ko at kinilala ako, kayo ang patunay na pumasok ako sa Varsitarian sa tamang lugar, oras, panahon, at pagkakataon. Lubos akong nagpapasalamat dahil kayo ang mga nakasama ko sa bawat lungkot, ligaya, pagkadapa at muling pagbangon. Kung pulos tulad ninyo ang madaratnan ko sa tuwing maliligaw, ‘di bale nang maligaw ako habangbuhay. Nawa’y muli akong makatagpo ng mga katulad ninyo sa susunod kong pagkaligaw.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.