SURIIN at gamitin sa pagtuturo ang mga palabas at patalastas sa telebisyon na pinanonood ng mga mag-aaral upang mapalawak ang kaalaman sa wikang Filipino, paghihimok ng mga dalubguro.
Naglabas ng pagkadismaya si Patrocinio Villafuerte, dalubguro sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, sa pagkakaroon ng mga mali sa gramatika ng mga patalastas sa telebisiyon.
“Naiinis ako kasi hindi [man lang] nagtatanong sa mga experts `yong gumagawa ng mga advertisements … napapanood sa commercials, e ang daming commercials na mali,” ani Villafuerte sa ikalawang araw ng Sanggunian sa Filipino Pambansang Seminar-Workshop noong ika-21 ng Oktubre.
Idiniin niya na mayroong responsibilidad ang mga guro na ipaalam sa kanilang mga estudyante ang maling paggamit ng wika sa mga patalastas.
“Tayong mga teacher, nag-oobserve tayo hindi lang sa pananaw natin sa palabas kundi [pati] `yong wika … `yong gamit ng wika, [kasi] may responsibilidad tayong tanggapin at hindi tanggapin ang mga napapanood natin,” wika ni Villafuerte.
Sinang-ayunan ito ni Louie Jon Sanchez ng Ateneo de Manila, na nagsalita tungkol sa kahalagahan ng kulturang popular sa pagtuturo ng panitikan.
“Mahalaga na ginagamit sa pagtuturo ng panitikan `yong kulturang popular kasi nga `yon ang realidad ng mga tao … ito `yong teksto na araw-araw na nakakaharap ng mga tao,” ani Sanchez sa isang panayam sa Varsitarian.
“Popular culture is always a good interface to literary text and to literary experiences,” dagdag pa niya.