NOONG 1928, inilunsad ang Order of Marian Crusaders (OMC).
Layunin ng OMC na maging tulay sa pagkakaroon ng mas malapit na ugnayan sa Panginoon ang bawat mag-aaral sa pamamagitan ng mga kumbokasyon at mga malalayang talakayan tungkol sa Bibliya gayundin ang pagsasagawa ng buwanang espirituwal na rekoleksyon sa kapilya ng Unibersidad.
Sa kabila ng adhikaing ito, hindi bukas sa lahat ang samahan. Bago maging isang opisyal na kasapi ng OMC, kinakailangang pagdaanan ng sinumang interesado ang apat na antas ng initiations depende sa kani-kaniyang kaalaman at pananampalataya.
Taong 1933 nang itatag ang Holy Name Society (HMS) na isang samahang ekslusibo sa mga Katolikong kalalakihan ng Unibersidad na naglalayong bigyang-puri ang ngalan ni Hesus sa pamamagitan ng buwanang debosyon at komuniyon at sa pagkilala sa Mahal na Birhen bilang Kaniyang ina.
Kaiba sa OMC, isa nang samahang global ang HMS bago pa mabuo ang sariling sangay nito sa UST kaya naman maluwag ang kanilang nagiging pagtanggap sa mga nagnanais sumali.
Pagpapatunay dito ang pahayag sa isang artikulo ng Varsitarian noong ika-2 ng Oktubre 1933 kung saan sinabi dito na naglunsad ang HMS ng isang malawakang kampanya na humihimok sa mga miyembro nito na mag-imbita ng mas marami pang mga mag-aaral na makiisa sa kanila.
Tradisyon na ng pagiging mag-aaral sa isang Katolikong unibersidad ang pagbuo at pagsapi sa ganitong mga samahan, makikitang higit pa rito ang pangunahing layunin ng mga miyembro ng OMC at ng HMS.
Sa pamumuno ni Prof. Jose Hernandez ng College of Education, nagtutungo pa ang mga miyembro ng mga samahang ito sa Tondo tuwing Huwebes upang magturo ng katekismo sa mga bata sa mga pampublikong paaralan. Nagbunga ang hakbang na ito sa adhikain nilang higit pang mapalawak ang napaaabutan ng kanilang mga paniniwala at pananampalataya.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga samahan sa Unibersidad na may kaparehong layunin ang Christ’s Youth in Action, CFC-Youth for Christ (CFC-YFC), Student Religious Organizations (SRO) Music Ministry, Pax Romana, Bosconian Thomasian Youth Movement, Marian Evangelization Community, UST Campus Feast, SRO Core Group, at UST Lifebox.
Tomasino siya
Alam ninyo ba na isang Tomasinong inhinyero ang patuloy na gumagawa ng pangalan hindi lamang sa kaniyang napiling larangan kung hindi maging sa pagiging isang awtor, tagapagsalita, negosyante at imbentor?
Si Reynold Agustin, nagtapos ng kursong Chemical Engineering noong taong 2004, ay ginawaran ng 2014 Young Thomasian Achiever in Entrepreneurship.
Noong 2007, inilathala ang kaniyang librong “Calculator Mathematics” na isang kalipunan ng mga katanungan para sa mga board examinations sa Engineering, Education, at Civil Service. Si Agustin rin ang awtor ng “Statistics” at “Engineering Economics, Calculator Simplified.” Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang ikaapat na libro na kaiba sa naunang tatlo, isa itong self-help book.
Nang simulan ni Agustin ang pagsusulat ng mga reviewer books, sa halip na magpalathala sa labas, naisipan niyang magtayo na lang ng sariling palimbagan. Sa ganitong paraan, makakabawas pa siya ng gastos. Kaya naman noong 2005, itinayo niya ang Calq Trading and Publishing. Bukod sa naging best seller ang kaniyang mga libro, naging pinakamalaking supplier rin ng mga calculators sa Manila, Davao, Cebu, Albay, Misamis Oriental, at Palawan ang Calq makalipas lang ang dalawang taon.
Taong 2008 naman, nilikha niya ang “Quice”—ang kauna-unahan at kaisa-isang Android application reviewer para sa mga kukuha ng mga licensure exams sa Chemical Engineering, Education at Civil Service sa bansa.
Sa ilang taon niyang pagtuturo sa mga review centers, nanaig kay Agustin ang kagustuhang makatulong sa mga reviewees na mapadali at gawing nakaaaliw ang kanilang pag-aaral para sa board exams kaya naman naisipan niyang gumawa ng isang quiz-type reviewer na magagamit nila anumang oras at lugar na hindi nila maaaring gawin kung gamit ang mga makakapal na libro.
“Una kong sinubukan gawin ang Quice gamit ang Symbian Operating System [BF1] dahil hindi pa sikat noon ang Android,” aniya.
Bukod pa rito, itinatag ni Agustin ang Calculator Education Philippines (CEP) na isang advocacy campaign na naglalayong maturuan ang mga Filipino sa kung paano ang tamang paggamit ng mga calculator. “Alam naman natin na hindi lahat ng Filpino ay marunong gumamit ng mga calculator kaya nililibot namin ang bansa upang magbigay ng mga lectures at discounts sa mga gustong bumili ng calculator,” ani Agustin.
Mula naman sa CEP, itinatag niya ang Reynold M. Agustin Scholarship Grant na kaniyang paraan upang makapagbigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na magtagumpay. Sa katunayan, mayroon na siyang 12 na mga iskolar mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Nagtapos ako ng elementarya, hayskul, at kolehiyo bilang isang scholar. So na-instill sa akin yung ideya na malaking tulong yung magagawa ko sa isang tao pag binigyan ko ng scholarship,” aniya.
Matatandaang si Agustin ang kauna-unahang recipient ng scholarship na handog ng UST Engineering Alumni Association na nakabase sa United States.
Sa kasalukuyan, maliban sa mga kumperensiyang naiimbitahan siya bilang tagapagsalita, inilalaan ni Agustin ang kaniyang oras sa paghahanda sa mga reviewees na kukuha ng Chemical Engineering Licensure Exam sa Nobyembre. Ito ang kauna-unahang batch ng reviewees mula sa review center na kaniyang itinayo nito lamang 2014, ang Quice Review Center.
Tomasalitaan
Bantolinaw (png)—pagdilim ng araw sa pagsisimula ng eklipse.
Hal. Buong pananabik niyang hinintay ang pagkakataong matunghayan at mapagmasdan ang bantolinaw.
Mga Sanggunian
The Varsitarian Tomo II Blg. 5, Setyembre 1, 1928
The Varsitarian Tomo VI Blg. 4, Agosto 1, 1933
The Varsitarian Tomo VI Blg. 8,[BF2] Oktubre 2, 1933
2014 Total Awards Souvenir Program.