BINIGYANG-DIIN ng isang premyadong makata at propesor sa Panitikang Filipino na hindi katumbas ng modernong rap battle ang balagtasan.
Giit ni Michael Coroza, malaki ang pagkakaiba ng balagtasan at rap battle dahil nagtataglay sila ng magkaibang ideolohiya, anyo, tema, kultura at lugar na pinagtatanghalan.
“Para sa [mga tao sa likod ng liga ng rap battle], isang naiibang sining ang rap battle at mariing sumasang-ayon ako sa kanila. Hindi isang pagbabago o pagsasamoderno ng balagtasan ang rap battle,” wika ni Coroza sa isang lekturang propesoryal sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong ika-29 ng Nobyembre.
Iginiit ni Coroza na maaaring gamitin ang balangkas at mga salitang ginagamit sa rap battle ngunit may mga angkop na lugar lamang kung saan ito puwedeng itanghal.
Ayon pa kay Coroza, dating patnugot ng Filipino sa Varsitarian, mayroong magkaibang dahilan ng pag-iral ang bawat isang sining sa panahon kung kailan umusbong ang mga ito.
“Higit na marangal na kilalanin ito (rap battle) bilang isang reworking na higit na magandang tradisyong pagbigkas,” wika niya.
Ang lektura na pinamagatang, “Isang Muling-Sulyap sa Tradisyong Pabigkas sa Filipinas o Kung Sadya Kayang Makabagong Anyo ng Balagtasan ang Fliptop,” ay inorganisa ng Departamento ng Filipino ng PUP. may ulat mula kay Joselle Czarina S. de La Cruz