Sept. 29 2016, 10:34 p.m. – HINDI sapat ang dalawang taon sa senior high school upang malinang ang kahusayan sa wikang Filipino ng mga estudyante sa Unibersidad, ayon sa isang Tomasinong propesor.

“Maraming kasanayan, kaalaman at babasahin ang hindi natatalakay sa mga baitang na ito,” ani Crizel Sicat-de Laza, guro sa UST Senior High School, sa ginanap na talakayan ng Sanggunian sa Filipino sa University of Asia and the Pacific noong ika-28 ng Setyembre.

Pinayagan man ng Commission on Higher Education ang pagpapanatili ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, iginiit ni de Laza ang pangangailangang pagbutihin at palawakin ang pagtuturo nito sa lahat ng antas, lalo na mula kolehiyo hanggang antas graduwado.

“Bata pa ang wikang pambansa.  Hindi pa ito ganap na intelektuwalisado o ginagamit sa araw-araw na diskurso,” batid ni de Laza.

Dagdag pa ni de Laza, kailangang ipagpatuloy ang pananaliksik sa iba’t ibang disiplina upang maitaguyod ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino, lalo na sa agham at teknolohiya, negosyo, ekonomiya at medisina.

“Kailangang patuloy na magkaisa at mag-organisa ang mga guro at mag-aaral upang maisulong ang mga makabuluhang reporma sa edukasiyon,” aniya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.