NGAYONG gabi’y muling ibabangon
Ang mga buhay na dagling nahimlay.
Handog ay kaunting dugtong sa mitsa
Ng paglalakbay na tinuldukan ng dusa
Sa ilang guho ng yaman na siyang naiwan:
Antigong simbahan at obrang larawan
Ng matamis na nakaraang pinagsamahan.
“Pumarito kayo, kahit sandali lamang
Nang sa inyo’y lubos na makapagpaalam.”
At sa paglamlam ng liwanag at pagdatal
Ng dilim, hindi lang paningin ang sasakupin.
Ngunit sa harap ninyo’y ito ang pangako:
Walang alaala ang mauupos,
Walang pag-asa na hahayaang mauubos.
Magtagal man ang sandaling buhay ng apoy,
Hanggang ngayon na lamang ang pananaghoy.