NANGUNA ang Unibersidad sa katatapos lamang na physical at occupational therapy licensure examinations ngayong Agosto, kung saan siyam na Tomasino ang nakapasok sa top 10 ng occupational therapy (OT) boards.
Nagtala ang UST ng 94.37-porsiyentong passing rate sa OT board exams kung saan 67 ang pumasa mula sa 71 na kumuha ng pagsusulit, ayon sa Professional Regulation Commission.
Dalawang Tomasino ang pumasok sa ikalawang puwesto habang pito naman ang pumasok sa top 10.
Pinangunahan nina Julian Elijah Deabanico at Eliza Camille Hugo ang bagong batch ng mga Tomasinong occupational therapists matapos magtala ng 82 porsiyento sa pagsusulit.
Kasama sa top 10 ang mga Tomasinong sina Joy Marie Balamban sa ikaapat na puwesto (81.20 porsiyento); Gianina Arnette sa ikaanim na puwesto (80.60 porsiyento); Mark Blanco at Glenn Labrado sa ikapitong puwesto (80.40 porsiyento); Gabrielle Yulo sa ikawalong puwesto (80.20 porsiyento); at Seiji Sim at Marius Siy (80 porsiyento).
Si Daisy Joyce Madali ng De La Salle University ang hinirang na topnotcher sa OT board exams matapos magtala ng 83.20 porsiyento.
Umakyat ang national passing rate ng OT boards sa 72.64 porsiyento, kung saan 215 ang pumasa sa 296 na kumuha ng pagsusulit, mula sa 49.78 porsiyento o 114 na pumasa mula sa 229 na sumubok noong nakaraang taon.
Sa hiwalay na pagsusulit para sa physical therapists (PT), nagtala ang UST ng 98.97 porsiyento na passing rate, kung saan 96 sa 97 na kumuha ng pagsusulit ang pumasa.
Walang Tomasinong nakasampa sa top 10.
Bumaba ang national passing rate ng PT board exams sa 62.80 porsiyento o 802 na pumasa sa 1,277 na kumuha ng pagsusulit, mula sa 68.06 porsiyento o 846 na pumasa sa 1,243 na sumubok noong nakaraang taon.