Ventura emosiyonal sa pagtestigo laban sa mga miyembro ng Aegis Juris

0
3120
File Photo | Aegis Juris members.

EMOSIYONAL na tumestigo si Marc Ventura laban sa kaniyang mga kasamahan sa Aegis Juris Fraternity sa unang paglilitis sa pagkamatay ng Civil Law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III.

Pinasalamatan ni Carmina Castillo, ang ina ng biktima, si Ventura sa kaniyang pagbibigay ng salaysay na, ayon sa kaniya, ay malaking tulong sa pag-usad ng kaso.

“Talagang nais niyang sabihin iyong totoo, kung ano talaga ang nangyari para hindi na maulit ito. Mahirap talaga sa kaniya iyong ginawa niya pero kailangan niyang gawin ito para lumabas ang katotohanan at para matigil na ang ganitong klase ng dahas,” ani Castillo.

Mahirap umano para kay Ventura na tumestigo laban sa kaniyang mga “ka-brod” dahil tinuring niya na ang mga ito bilang kaniyang pamilya.

Ayon naman kay Teodoro Jumamil, abugado ng isa sa mga nasasakdal na si Arvin Balag, nagsimulang naging madamdamin si Ventura nang pinangalanan niya ang 10 akusado sa kasong hazing na sina Ralph Trangia, Marcelino Bagtang, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat at Danielle Hans Matthew, pawang mga miyembro ng Aegis Juris.

“Naging masyadong emosiyonal si Ventura kaya naman itutuloy na lang sa susunod na paglilitis ang cross examination o ang pagtatanong naming mga nasa panig ng depensa sa kaniya,” wika ni Jumamil.

Ayon pa sa kaniya, may mga isinuwalat pa si Ventura sa kaniyang salaysay tungkol sa mga akusado na hindi pa maaaring ilabas sa publiko.

Ang susunod na paglilitis kung saan maaari nang magtanong ang mga abogado ng mga nasasakdal sa testigong si Ventura ay nakatakda sa ika-4 ng Setyembre.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.