NAMAYAGPAG ang Unibersidad sa ikatlong sunod na taon sa occupational therapy (OT) licensure exams habang pumangalawa naman ito sa physical therapy (PT) licensure exams.
Nagtala ng 94.87 porsiyento, o 74 na pumasa mula sa 78 na kumuha ng pagsusulit, ang Unibersidad sa OT board exam.
Pinangunahan ni Ira Gabrielli Delos Reyes ang walong Tomasinong pasok sa top 10 matapos sungkitin ang ika-apat na puwesto sa 82-porsiyentong marka.
Ikalimang puwesto sina Christopher Añes at Tiara Ojeda, na parehong nakakuha ng markang 81.80 porsiyento.
Si Karyll Marie Valdepeñas ang nagtapos sa ikaanim na puwesto matapos magtala ng 81.60-porsiyentong marka.
Ikapito si Jaira Mitra na may markang 81.40 porsiyento.
Nasungkit ni Celeste Irah Ruzgal ang ikawalong puwesto kasama sina Jan Michelle Abad ng Southwestern University at Ethel Grace Aparri ng Cebu Doctors University, na kapwa nakakuha ng 81.2-porsiyentong marka.
Nasa ikasiyam na puwesto si Nicholette Robin Lim na nakapagtala ng markang 81 porsiyento.
Si Frances Kate Ballesta ang nasa ikasampung puwesto, matapos magtala ng 80.80-porsiyentong marka.
Tumaas ang national passing rate sa 71.48 porsiyento o 213 na pumasa sa 298 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 68.09 porsiyento o 209 na pumasa mula sa 307 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon.
Samantala, tumaas naman ang passing rate ng Unibersidad sa PT board examinations. Nagtala ang UST ng 99.08 na porsiyento o 108 na Tomasinong pumasa mula sa 109 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 94.23 porsiyento o 98 na Tomasinong pumasa mula sa 104 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon.
Idineklarang top-performing school ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na nagtala ng 100-porsiyentong passing rate.
Nasa 64.57 porsiyento, o 833 na pumasa sa 1,290 na kumuha ng pagsusulit, ang national passing rate ngayong taon.