MAGKAAGAPAY ang awit at wika sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng kulturang Filipino.

Maihahalintulad sa kaluluwa ng isang tao ang ugnayan ng dalawa kahit masalimuot at hindi eksaktong maipapaliwanag ang kahulugan nito. Bunga nito, mauuwi lamang sa mahabang pag-aaral at diskurso ang anumang usaping nahihinggil dito.

Subalit sa pagpasok ng globalisasyon, unti-unting kinakain ng wikang banyaga, maging ang mga likhang sining sa Pilipinas kasama na ang awiting Filipino. Nasasapawan na rin ang mga tradisyunal na awiting Filipino ng mga popular na awiting kumakagat ngayon sa mga panlasa ng marami. Nanganganib na ring lamunin nang husto ng wikang Ingles ang musikang kinikilala na bahagi ng pagpapaunlad ng kultura.

Magkatono pa ba ang awit at wikang Filipino? Saan pupulutin ang “pambansang wika” sa katayuang ito?

Relasyon ng awit at wika

Ayon kay P. Nilo Mangusad, isang kompositor at propesor sa Conservatory of Music (Conservatory), refleksiyon ang awit ng kultura ng mamamayan at sa pamamagitan nito, makikilala natin ang mga Filipino.

“Sumasalamin ang awiting Filipino sa buhay, gawain, kultura, pakikibaka, inspirasyon, pangyayari sa kapaligiran, at sa nararamdaman ng mga Filipino bilang tao,” ayon kay Noel Cabangon, kilalang kompositor sa bansa na lumilikha ng mga awiting nasusulat sa Filipino.

Paliwanag naman ni Prop. Eugene De Los Santos, nagtuturo ng Voice sa Conservatory, dumadaloy sa awit ang wika at nagsisilbing salamin ito ng huli. Nagsisilbi rin itong instrumento upang makita ang mga pagbabagong nagaganap sa wika.

“Magandang daluyan ng wika ang musika. Gumagamit ka ng wikang Filipino, naisasaliw ka pa nito. Sa ganitong pamamaraan, mas mapapalapit ka sa iyong wika, sapagkat tumatagos sa damdamin,” ayon naman kay Cabangon.

Pagyakap sa makabago

READ
Love affairs

Dahil sa pagbabago at pagpasok ng konseptong “popular,” hindi maiiwasang sumikat ang Filipino pop music.

“Sumisikat ito (pop music) kumpara sa Filipino classical songs dahil mas may pera rito,” ayon kay Prop. Rachelle Gerodias, classical singer at nagtuturo ng Voice sa Music. “Papunta kasi ang pop sa masa dahil patok ito at madali ang pera,” sabi niya.

Aniya, ang Filipino classical songs tulad ng kundiman ang kinikilala ng ibang bansa bilang awiting Filipino subalit naglalaho na ito ngayon.

Samantala, ayon naman kay Prop. Eros Atalia, nagtuturo ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, repleksiyon ng damdamin ng mga karaniwang tao ang local pop music, partikular na ang novelty songs na nauuso ngayon.

Kaugnay nito, para kay Cabangon, walang itinuturong maganda ang mga mga novelty songs. “Hindi nakatutulong sa pag-unlad ng awiting Filipino at kulturang Filipino ang mga ganung awitin,” dagdag pa niya. “Ibig sabihin ng nakakapagpapaunlad ay nakakatulong sa pananaw, at pag-unawa ng tao sa kanyang sarili at kapaligiran.”

Para kay Cabangon, kung refleksiyon ng pamumuhay ng mga tao ang awitin, naglalarawan naman ang mga novelty songs ngayon ng “basura at mababaw na kulturang Filipino.”

Sinuportahan din ni Cabangon ang pahayag ni Gerodias na kontrolado ng negosyo ang mga novelty songs at ginagawa ang mga ito bilang produkto, para kumita, hindi para sa ikatitibay ng kultura at pagpapalaganap ng partikular na kaisipan.

Ayon pa kay Gerodias, depende ang paggawa ng awitin sa iyong layunin. “Kung ayaw mong kumita ng pera, doon ka sa Filipino classical songs. Kung gusto mo namang kumita ng pera isipin mo ang mas malaking market, ang masa,” wika niya na sumasang-ayon sa sinasabi ni Atalia.

READ
UST Hospital eyes medical tourism

Awit sa kuko ng wika at awiting banyaga

“Malaki ang epekto ng globalisasyon sa wika at awiting Filipino. Hindi na nga ganoon kalakas ang ating wika sa maraming Pilipino, pinasukan pa tayo nito. Ito ang nakakasagasa sa pag-unlad ng ating wika at musika,” ayon kay Cabangon.

Base sa obserbasyon ni P. Mangusad, mas bilib ang mga Filipino sa mga awiting Amerikano kaysa awiting Filipino dahil iniisip ng marami na mas magaling ang imported kumpara sa lokal at ang mentalidad na ito ang nagsisilbing kalaban ng awiting Filipino.

Ayon naman kay Atalia, “tinatangkilik natin ang musikang banyaga, partikular ang musika ng Estados Unidos hindi dahil sa maganda ang musika nila ngunit dahil gusto nating maging kagaya nila.”

Para sa kanya, pantay-pantay ang musika ng iba’t ibang kultura. Magkakaiiba lamang kung paano ipinahahayag.

Dagdag pa niya, ganito talaga ang pag-iisip ng mga nakapag-aral at mapera, “ayaw nila ang panlasa ng mas nakararami (ang mga mahihirap) na maging panlasa nila. Kaya nga hindi nila nais ang gustong awitin ng mga mahihirap. Kung ang trip mong banda ay lokal, baduy ka. Pero kapag ang trip mo ay internasyunal, mas sikat ka,” paghahalimbawa ni Atalia.

Kaya ayon sa kanya, ang mga nagpaparatang na baduy at bakya sa awiting Filipino ang pawang mayayabang lamang at mga biktima ng colonial mentality. Ayon nga sa kanya, “ang kantang Ingles, mas walang laman, kung maiintindihan lang.”

Himig ng sariling wika

“Maganda ang wika at awit natin. Matutulungan natin ang music industry kung sa Filipino magsusulat, imbes sa Ingles. Kung ako ang gagawa ng kanta, Filipino, kasi mas naiintindihan ko. Mas masasabi kong akin,” ayon kay Gerodias.

READ
Thesis work: A guide to research

Sang-ayon si P. Mangusad na dapat ipahayag ang mga awiting Filipino sa wikang naiintindihan ng lahat (Filipino) sapagkat mahirap ipahayag ang sinasaloob kung gagamit ka ng wikang banyaga.

“Kung aawit ka sa Filipino, nakikilala mo ang iyong sarili at mas madarama mo ang pagiging Pilipino. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Sa ganitong pamamaraan, nakakatulong tayo sa wika at awiting Filipino,” ayon sa paring kompositor.

Ngunit nilinaw ni P. Mangusad na pagpapakita ng versatility ng mga Filipino ang pagsusulat ng mga awit sa wikang Ingles kaya hindi ito nararapat itanggi at ialis.

Para kay Cabangon, mas epektibo namang maipapaabot ang mensahe kung sa sariling wika aawit.

Mahalaga ang awit bilang isang sining sa pagkilala sa kultura at tradisyon.

Ipinakilala ni Cabangon ang musika bilang paglalarawan ng pagka-Filipino, ugali, pakiramdam, pangarap sa buhay na bahagi ng kulturang Filipino.

Umaasa naman si Gerodias na huwag hayaang lamunin ng makabagong awitin ang mga awiting tulad ng kundiman upang patuloy na magkaroon ng ganap na kulturang Filipino.

Aminado ang lahat na hindi nagiging suliranin ng industriya ng musika ang wikang ginagamit sa awitin. Ayon sa kanila, marami namang sikat na mga awitin dito sa bansa na nakasulat sa Filipino subalit huwag lamang sanang maging sintunado ang wikang Filipino sa mga awiting sariling atin upang hindi maglaho ang pagkakakilanlan ng mga Filipino sa kanilang mga sarili.

Naniniwala naman si Atalia na sa kabila ng mga pagsubok na dinaranas ng awitin at wikang Filipino, hindi ito mamamatay maliban na lamang kung maglaho ang lahat ng mga Filipino sa Pilipinas. Richard L. Rodriguez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.