INANUNSYO ng pangulo ng UST Faculty Union (USTFU) na si George Lim ang nalalapit na paglabas ng collective bargaining agreement (CBA) na naglalaman ng umento sa sahod ng mga propesor.
Ayon kay Lim, upang mapabilis ang negosasyon, napilitan ang unyon na isantabi ang lahat ng usaping pulitika at ituon ang atensiyon sa benepisyong ekonomiko ng mga guro, matapos sumang-ayon ang 72 porsyento ng mga propesor ng Unibersidad sa isang survey.
Pinalitan din ang negotiating panel na nakikipagusap sa pamunuan ng UST para sa CBA na sakop ang mga taong 2016-2021.
“[I]n view of the ongoing pandemic, we commissioned a survey on April 13-19 2020 to determine your sentiments on terminating discussions on all political issues and to focus instead on economic provision [..] seventy-two percent (72%) of the 721 respondents replied in affirmative,” wika ni Lim sa isang liham sa mga miyembro.
Nagbabala si Lim na lalong matatagalan ang umento sa sahod kung ang bagong CBA ay di tatanggapin ng mga miyembro ng unyon.
Binanggit din niyang matatapos na ang termino niya at ng iba pang opisyal ng USTFU sa Setyembre.
Ayon naman sa isang unity statement na pinirmahan nina Dr. Edilberto Gonzaga, Asst. Prof. Emerito Gonzales, Asst. Prof. Rebecca Adri at Michelle Desierto, maituturing na “pag-railroad” ng CBA kung isasantabi ang political items sa negosasyon.
Kwinestiyon din nila ang pa-survey ni Lim na di umano apribado ng lupon ng unyon.
“Hindi katanggap-tanggap ang isang CBA na tinitiyak ang ekonomikong benepisyo pero isinasawalang-bahala ang mga implikasyon nito sa karapatan ng faculty sa pagkakaroon ng matatag at maka-gurong grievance machinery, promotion scheme, competence evaluation at iba pang mahalagang proteksyon sa aming seguridad sa trabaho,” saad sa pahayag ng apat na pinalitang negosyador ng unyon.
Alma ni Lim, nilabag ng dating panel ang CBA ground rules nang isapubliko nila noong Hunyo ang isang liham na nakikiusap sa Unibersidad na agad ipamahagi sa mga propesor ang kanilang hati sa mga tuition increase.
“Our previous panel ignored this and no negotiation took place for the next one and a half months [..] they [also] committed grave violation of the CBA negotiation ground rules when they, without asking for a resumption of CBA negotiations, publicized a letter to request to our University officials to immediately distribute the [tuition increase] thereby causing severe embarrassment to the entire union,” saad sa liham ni Lim
Ayon naman sa mga inalis miyembro ng panel, hindi labag sa negosasyon ang kanilang liham dahil hindi sakop ng confidentiality ang isyu.
“This is not even a violation as what is prohibited is to disclose confidential matters that are being negotiated. There is nothing confidential about seeking to release the TFI share sans any CBA negotiation prompted by the pandemic,” giit nina Adri, Desierto, Gonzaga at Gonzales sa panayam nila sa Varsitarian.
Bagong panel
Sa isang board resolution ng unyon noong ika-22 ng Hunyo, tinanggal sa puwesto sina Gonzaga, Gonzales, Adri, Desierto at ang nagretirong propesor na si Jose Ngo, Jr. bilang mga miyembro ng CBA Negotiating Panel dahil sa umano’y paglabag sa CBA ground rules.
Ayon sa resolusyon, ang pumalit sa natanggal ay ang mga nakasunod na kandidato sa halalang naganap noong ika-28 ng Setyembre 2018.
Kinondena ng apat na inalis na miyembro ng panel ang kanilang pagkakatanggal, dahil labag umano ito sa panuntunan ng USTFU.
“We also pray and trust that the UST Administration will not condone such an immoral and illegal act because this sets a bad example to the entire Thomasian academic community, especially to our students who we always require to follow rules and regulations of the University,” wika nila.