ISANG ebolusyon ng wikang Filipino ang namayani sa bansa mula noong panahon ni Jose Rizal hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Jovy Peregrino, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, sa isang porum na may temang “Wikang Filipino: Mula kay Rizal hanggang kay PNoy” sa AMV Multi-purpose Hall noong Agosto 31.

Sinimulan ni Peregrino ang pagtalakay sa iba’t ibang patakarang pang-wika ni Rizal hanggang sa kasalukuyang pangulo na si Benigno Aquino III o “PNoy.”

“Noong panahon ni Rizal, pinangkat ang wikang Espanyol,” aniya. “Ito ang ginamit sa loob at labas ng edukasyon sa Pilipinas. Ngunit hindi naman nagpatalo si Rizal sapagkat patuloy niyang itinampok ang mga wika sa Pilipinas. Itinuro niya ang Tagalog sa kaniyang mga mag-aaral sa primary level, samantalang Ingles at Pranses naman para sa mga sekondarya.”

Nang dumating naman ang mga Amerikano sa bansa, bagaman Ingles ang midyum ng pagtuturo, pilit na itinaguyod ang Tagalog sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kursong Tagalog para sa mga guro. Ipinasa rin sa panahong ito ang House Bill No. 557 na nagsasabing nararapat gamitin ang lokal na wikang Tagalog.

Noong 1934, nagkaroon ng isang Constitutional Convention kung saan ipinanukula ni Rep. Diligado Wenceslao Vinzons na gawing batayan ng wikang pamabansa ang mga wika sa Pilipinas na nagpatuloy sa sumunod na taon. Taong 1940 nang pormal na itinakda ng dating pangulong Manuel Quezon ang pagtuturo ng wikang pambansang Tagalog sa lahat ng paaralan sa bansa. Inilimbag din sa taong ito ang diksyonaryong Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos.

READ
Finding meaning in misery

Sa Saligang Batas noong 1973, pormal nang tinawag na Filipino ang wikang pambansa.

Ang Executive Order No. 335 naman na ipinatupad sa panahon ni Corazon Aquino ay nagtakda sa Filipino bilang wikang pambansa, kaya’t nararapat itong gamitin sa lahat ng mga opisyal na komunikasyon at transaksiyon, maging sa lahat ng mga pampublikong lugar tulad ng mga ahensiya at opisina.

Makalipas ang ilang taon, ipinatupad naman ng dating pangulo Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 210 na nagsasabing ang wikang Ingles ang nararapat na gamitin sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa bansa.

Sa kasalukuyang administrasyon, ang patakarang bilingual ay patuloy pa ring ipinatutupad, kasabay ang mungkahing K+12, kung saan gagamitin sa pagtuturo sa grades 1 to 3 ang unang lengguwahe ng mga mag-aaral upang sila ay higit na matuto sa mga darating na taon ng pag-aaral.

Para kay Peregrino, hindi maikakaila na malaki ang impluwensiya ng media sa wika.

“Ngayong panahon ni PNoy, iba na: may ‘jejemon’ at ‘bekimon.’ Ang media ang masasabi kong pinakamakapangyarihang social institution sa panahon ngayon ni PNoy para mapakahulugan at mapag-aralan ang mga Pilipino,” aniya.

Hinikayat ni Peregrino na sa kabila ng iba’t ibang wikang umuusbong sa panahon ngayon, nararapat pa rin na ang wikang gagamitin ang siyang makapagpapahayag ng ating sariling ideya’t saloobin.

“Ang wikang gagamitin mo ay hindi lang simpleng instrumento kundi wika ng iyong ideolohiya, wika ng iyong pilosopiya,” aniya.

Dagdag pa ni Peregrino, ang globalisasyon ay nararapat na maging mas ideolohikal at may sariling pananaw at hindi lamang tungkol sa wika.

“Ang wika ay hindi equivalent ng globalization. Ang galing mo sa Ingles ay hindi laging totoong ‘passes’ para maging parte ka ng global community. Dapat mas malaki, dapat ideological,” aniya.

READ
Sapatos

Sa huling bahagi, sinabi ni Peregrino na sa panahon ngayon ni Pangulong Aquino, ang wika ay patuloy na umuusbong, lalo pa kung atin itong tutulungan.

“Ang halaga ng wika sa Pilipinas ay palaging nariyan at patuloy sa pag-unlad. Ngayon na ang wikang Filipino ay umaangat na, dapat natin itong sakyan at patuloy na tulungan,” aniya.

Ang Sentro ng Wikang Filipino ay maglalabas sa Oktubre ng pinakabagong balarila ng wikang Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.