NAKABABAHALA ang umiigting na usapin tungkol sa pagbabalik ng kaparusahang kamatayan – patunay rito ang kauna-unahang panukalang batas na inihain sa pagbubukas ng ika-17 na Kongreso ng Republika ng Pilipinas.
Batay sa may akda ng House Bill No. 1 na sina Fredenil Castro, kinatawan ng Capiz, at Pantaleon “Bebot” Alvarez, puno ng mababang kapulungan at kinatawan ng Davao del Norte, ang pagbabalik sa pagpataw ng parusang kamatayan ay sadyang kinakailangan, diumano, dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagiging biktima ng karumal-dumal na krimen at lumalalang bilang ng mga gumagamit at nagtutulak ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Ayon pa sa nabanggit na panukalang batas, wala nang natitirang paraan ang pamahalaan kundi parusahan ang mga may sala base sa bigat, kasamaan at pagkarimarim ng kanilang mga nagawang krimen.
Nararapat lamang na masusing isaalang-alang ng mga kinatawang nabanggit ang marami pang natitirang paraang mas makataong paghatol sa mga nasasakdal bukod sa kamatayan.
Kinakailangang makamit ang karampatang patas na hustisya sa bawat panig.
Ito ay isang indikasyon na nais nilang madaliin ang proseso ng paglilinis ng karumihang nangyayari sa bansa nang hindi matalinong iniisip na may sinasagasaan na silang karapatang-pantao.
Ang kinakailangan ay mas mapagkakatiwalaang sistema ng katarungan at mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Higit kong nanaisin na tumagal ang proseso ng pagbalangkas ng batas patungkol sa karumal-dumal na krimen kung ang resulta nito ay ang tama at balanseng timbangan ng hustisya, kaysa sa agarang pagsulong at pagresolba kung ang kahihinatnan naman ay paglabag sa nalalabing karapatan ng buhay.
Kung maisapapasa ang death penalty, paano makasisiguro ang gobyerno na tama ang pagpapataw ng desisyon nito laban sa mga nasasakdal at walang inosente ang mabibiktima ng inhustisya?
Sa naturang panukalang batas, kabilang ang paggamit ng ilegal na droga sa listahan ng mga heinous crimes na nakasulat sa Republic Act 7659 na maaaring mahatulan ng kaparusahang kamatayan.
Sa kasalukuyan, tinatayang mayroon pang 120,000 na kasong may kinalaman sa droga ang nakabinbin sa mahigit 700 na korte sa buong bansa. Ang numerong ito ay patungkol pa lamang sa kaso ng droga, paano pa kaya kung idadamay ang bilang ng mga nagkasala ng pagpatay, paggahasa, pandarambong at iba pa na maaaring mapatawan ng parusang kamatayan?
Ganoon na lamang ba kadali sa estado ang kitilin ang buhay ng isang nagkamali?