SA NAKABIBINGING mga hiyawan at nakauumay na patutsadahan ng mga makapangyarihang kampo sa bansa hindi maitatatuwang maraming pagkakaiba ang ang naghihiwalay sa mga Filipino sa kasalukuyan. Gayunpaman, hindi lamang ideolohiya, pangalan ng angkan o malalim na kasaysayan ang nagbubunsod nito kundi maging ang mga wikang sinasalita ng bawat rehiyon.
Sa paglalathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng makulay na atlas ng mga wika ng Filipinas, nakamamangha ang pagkakatuklas sa humigit-kumulang 130 katutubong langguwahe. Sa Luzon matatagpuan ang 75 sa mga ito habang 16 naman sa Visayas at 34 sa Mindanao.
Ayon sa panimula na isinulat ni Purificacion Delima, komisyoner sa programa at proyekto ng KWF, ang patuloy na pagkakadiskubre ng iba’t ibang pangkat-etniko na nilalakipan ng mithiing ipalaganap ang kani-kanilang wikain ang isa sa mga pagsubok ng mga dalubhasang nangangahas tipunin ang mga wika sa bansa.
Maliban sa kagalakan ng pagkakaroon (makalipas ang maraming taon) ng opisyal na heograpiyang pangwika sa pamamagitan ng isang atlas, mahalagang alamin kung ano pang mga batas ang kailangang pagtuunan ng pansin at paunlarin ng kasalukuyang lehislatura.
Nakasaad sa Artikulo 15, Seksyon 7 ng Saligang Batas na dapat ituring na auxiliary official languages ang mga katutubong wika ng bansa. Samakatwid, kailangang gamitin ang mga nasabing diyalekto sa mga lugar kung saan sila sinasalita ng karamihan. Naging mainam naman ang tugon dito ng bagong programa ng K to 12 na naglalayong pag-ibayuhin ang kasanayan ng mga mag-aaral na nasa labas ng Kamaynilaan sa kani-kanilang katutubong wika. Sa paglulunsad ng Mother Tongue-Based Multiligual Education (MTB-MLE), patuloy na sinusubok hasain ang mga estudyante sa kanilang kinagisnang wika bago isabak sa Filipino at Ingles pagdating sa mas mataas na antas. Simula kindergarten hanggang ikatlong baitang, gagamitin ang mother tongue bilang wikang panturo. Sa kasalukuyan, Aklanon, Bikol, Cebuano, Chabacano, Hiligaynon, Iloko, Ivatan, Kapampangan, Kinaray-a, Maguindanaoan, Meranao, Pangasinense, Sambal, Surigaonon Tagalog, Tausug, Waray, Yakan at Ybanag ang mga katutubong wikang itinuturo sa ganitong reporma.
Masasabing malaki at hindi maikakaila ang naibigay na tulong ng ganitong panibagong sistema sa adhikain ng mga dalubwika sa bansa subalit marami pang dapat paunlarin sa mga ito.
Una, hindi dapat huminto sa ikatlong baitang sa elementarya ang pagtuturo ng mother tongue languages sa MTB-MLE. Kaakibat ng pagpapakilala sa mga mag-aaral ng mga bagong wika, mas mabuting ipinaaalala pa rin sa kanila ang kanilang mga katutubong diyalekto. Nararapat lamang na bigyan ang mga ito ng pantay na kahalagahan kung ikukumpara sa Ingles. Maaari ring magdagdag ng mga bagong usapin hinggil sa mga pangkat-etniko sa syllabus ng ganitong mga asignatura sa lingguwistika.
Ikalawa, dapat nang magkaroon ng panibagong diksiyunaryo na kapapalooban ng mga bagong salitang katutubo. Tulad ng talatinigan na likha ni Jose Villa Panganiban noong 1946, dapat nitong saklawin maging ang etimolohiya at kasaysayan ng mga salita at wikang babanggitin. Hindi dapat ito maging limitado sa pagtanggap ng mga wikang banyagang ihinalo na sa wikang Filipino; dapat nitong isama pati na ang mga baryasiyon ng mga kataga sa iba’t ibang rehiyon.
Huli, marapat imungkahi ang patuloy na pagsusulat ng mas marami pang pananaliksik hinggil sa mga wika sa bansa lalo na ukol sa mga wikang namatay na. Sa katunayan, noong 2014, 30 ang naitalang “endangered languages” sa Filipinas na baryasiyon karamihan ng wika ng mga katutubong Agta. Sa pagsulong ng modernong teknolohiya, hindi dapat mapag-iwanan ang pagtuklas sa wika na isa sa pinakamahahalagang bahagi ng kasaysayan.
Ayon kay Frantz Fanon, isang pilosopong post-kolonyal, kaakibat ng pagsasalita ng isang wika ang pagpapakilala ng isang kultura sa mundo. Sa ganitong paniniwala kung gayon, direktang maiuugnay ang etnisidad ng Filipinas sa mga katutubong wika nito. Maituturing ang mga itong tulay upang mawari ng mga Filipino ang kanilang naiibang identidad. Sa panahon ng paghahalu-halo ng mga paniniwala at paglubog-paglitaw ng mga tradisyon, mahalagang malaman ang ating lugar sa mundo. Bilang mga Filipino, higit sa kulay kayumanggi na kinaiingitan ng Kanluran o sa iba’t ibang kulay ng pagkakaisang politikal, marapat natin patingkarin maging ang mga kulay ng ating wika.
Hi, Bernadette. Mahusay ang pagkakasulat ng artikulo mo. Lamang ay napansin ko na parang napaghalo mo ang kahulugan ng wika at diyalekto — magkaiba kasi ito. Pwede mo pa namang ma edit siguro. Salamat.