“KUYA, pahingi ng barya.”
Tila mayroong sinisingil na utang ang isang batang nakita ko. Ibinigay ng isang lalaki ang kaniyang tinapay sa bata nang walang pag-aatubili at ipinagpatuloy ang kaniyang paglalakad. Ngunit ihinagis lang ng bata ang tinapay sa kanal at umalis.
Kasama sa kultura nating mga Filipino ang konsepto ng pakikiusap. Nakatutulong ang paghingi ng tulong, simpatya, awa, at iba pa upang lumutas ng anumang suliraning tinatahak natin sa pang-araw-araw na buhay pati na rin sa bansa. Makikita natin ang kakayahan ng pakikiusap noong EDSA Revolution kung kailan nakiusap ang mga pari at iba pa nating mga kababayan upang itigil ang diktadurya.
Ayon pa sa isang blog ni Michael “Xiao” Chua, isang historyador at propesor ng De La Salle University, “pinakamabisa sa Pinoy ang pakiusap, nanggagaling sa kalooban ang pakiusap. Kaya hindi bumaril ang militar kasi ang mga tao ay nakaluhod, nakikiusap.” Isa pang halimbawa si Mary Jane Veloso na nailigtas mula sa death penalty dahil sa pakiusap nating kapwa niya Filipino.
Kasalungat nito ang Presidential Decree No. 1563 o Anti-Mendicancy Law na itinatag pa noong 1978. Sinasabi ng batas na bawal manghingi ng limos, na isang uri ng pakikiusap. Isa sa mga dahilan ng pagpapatupad ng batas na ito ay dahil sa “there is an immediate need to provide appropriate services to enable mendicants to meet their basic needs and develop self-reliance.” Isang pormal na paraan lamang ito upang sabihin na walang manlilimos kung walang nagbibigay ng limos. Bukod pa rito, ginagamit na rin ang exploitation ng mga bata upang makapanlimos.
Kung iisipin, madaling mamuhay sa Filipinas dahil tiyak na mayroong tutugon sa mga pakiusap ng mga Filipino.
Noong nalabag ng aking pamilya ang batas trapiko sa Dubai, agad kaming binigyan ng tiket at hindi na pinakinggan ang dapat naming pakiusap, o maaaring sabihing palusot. 400 dirham ang kailangang multa—mahirap, ngunit tama. Sa Filipinas, 200 pesos at pakiusap, sapat na para makalusot sa nalabag nabatas trapiko.
Naabuso na ng mga Filipino ang konsepto ng pakikiusap at bihasa na tayo sa kung paano gamitin ito. At dahil sa kahiligan natin sa paggamit nito, wala tayong ipinagkaiba sa mga inirereklamo nating kurakot na mga opisyal ng gobyerno. “Koneksiyon,” sabi nga nila. Pakikiusap din naman ang kanilang paraan upang makagawa ng mga bagay na sa kanila lamang papabor.
Walang susunod sa batas na mayroong mga butas dahil kaya itong lusutan. At hindi makaaakyat ang isang bansa patungo sa kaunlaran kung ang tanging mga batas lamang na nagsisilbing hagdan patungo rito ay pinarurupok ng mga lumalabag dito.